Nagsumite na si Archie Alemania ng kaniyang counter-affidavit kung saan itinanggi niya ang reklamong acts of lasciviousness na inihain laban sa kaniya ni Rita Daniela.

Sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras," sinabing pinanumpaan ni Archie kasama ng kaniyang abogado ang kaniyang counter-affidavit sa Bacoor Hall of Justice nitong Martes ng umaga.

Parte ng isinasagawang preliminary investigation ng piskalya sa reklamo ang isinumiteng counter-affidavit ni Archie.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag si Archie at ang kaniyang kampo, ngunit tumanggi na silang magbigay ng komento.

Hindi na rin nagdetalye ang piskal kaugnay sa nilalamang affidavit ni Archie.

Gayunman, karamihan nito ay naglalaman ng pagtanggi ni Archie sa mga akusasyon ni Rita.

Naroon din ang abogado ni Rita na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, na sinabing hangga't maaari, iniiwasan nilang hindi magtagpo sina Rita at Archie.

“Because of the trauma that the victims of these crimes, well of course alleged victims of these crimes, is undergoing psychologically. So as her counsel, I also have to protect her mental health. The counsel of Archie is amenable to that,” sabi ni Abraham-Garduque.

"The counsel of Archie is amenable to that," dagdag ni Abraham-Garduque.

Kinumusta rin ng GMA Integrated News si Rita sa kaniyang abogado.

"Actually as of this date, even up to now, she's not okay," ani Abraham-Garduque.

Nakatakdang isumite ni Rita ang kaniyang tugon sa counter-affidavit ni Archie sa Disyembre 17.

Matatandaang nagsampa ng reklamong acts of lasciviousness si Rita laban kay Archie Alemania sa Office of the City Prosecutor sa Bacoor City noong Oktubre.

Sa kaniyang complaint-affidavit, inakusahan ni Rita si Archie na hinalikan siya ng aktor nang wala siyang pahintulot, hinawakan, at sinabihan ng mga hindi magagandang salita. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News