Engaged na si Jose Manalo sa dating EB Babe na si Gene Maranan.

Sa kanilang mga Instagram, ibinahagi nina Jose at Gene ang mga larawan at video ng proposal ng comedian-host sa dancer, na ginanap sa isang resort noong Disyembre 2.

Kinanta ni Jose ang "Ikaw" ni Yeng Constantino, na sinamahan ng gitara at saxophone, bago siya pumunta sa pool area na dinekorasyunan ng mga bulaklak at mga puso.

Kalaunan, isang neon sign na may nakasulat na "Will you marry me?" ang umilaw.

“Ano ‘yan? Totoo ba ‘yan?” sabi ni Gene, na tila hindi makapaniwala.

Hanggang sa lumuhod na rin si Jose at tinanong siya ng “Will you marry me?”

Ibinigay ni Gene ang kaniyang matamis na oo, at isinuot naman ni Jose ang singsing sa kaniyang daliri, bago nag-kiss at hug ang dalawa.

"The easiest YES I’ve ever said," caption ni Gene.

"It’s you. It’s always been you," caption niya sa isa pang video.

Dating kasal si Jose kay Anna Lyn Santos, na pumanaw noong 2022. Hiwalay na sila, at may apat na anak na sina Benj, Myki, Ai, and Nicco. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News