Nagbigay-pugay ang actor-singer na si Janno Gibbs sa kaniyang namayapang ama na si Ronaldo Valdez, sa kaarawan nito.
Sa Instagram, nag-post si Janno ng slideshow ng mga larawan nilang mag-ama sa nakalipas na mga taon.
May video na inawit nina Janno at Ronaldo ang “Just the Two of Us” nina Bill Withers at Grover Washington, Jr.
“Happy Bday Papa! Miss you always,” saad ni Janno sa caption.
Nagkomento ng heart emojis ang kapatid na si Melissa, at ang asawa niyang si Bing Loyzaga.
Pumanaw si Rolando noong December 2023 sa kanilang bahay, ilang araw bago sana niya ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.
Edad 76 nang binawian ng buhay ang beteranong aktor.
Sa mga nagdaang pagpupugay ni Janno kay Ronaldo, tinawag niyang “the sweetest dad ever” ang kaniyang ama. —FRJ, GMA Integrated News