Kasabay ng pakumpirma ni AiAi Dela Alas na hiwalay na sila ng kaniyang mister na si Gerald Sibayan, tinanong sa "Fast Talk with Boy Abunda" ang aktres kung may third party bang sangkot sa pagwawakas ng 10 taon nilang pagsasama bilang mag-asawa.

Sa naturang panayam ng King Talk, sinabi ni AiAi na noong Oktubre sila naghiwalay ni Gerald matapos siyang makatanggap ng chat mula sa dating mister.

Hinala ni AiAi, hindi na masaya si Gerald sa kanilang pagsasama dahil sa kabiguan niyang mabigyan ito ng anak.

Ngayong Lunes ipinagdiwang ni AiAi ang kaniyang ika-60 taong kaarawan. Halos kalahati nito ang bata sa kaniya ni Gerald.

Nang tanungin ni Tito Boy si AiAi kung may third party ba na sangkot sa kanilang hiwalayan, tugon ng aktres, "Bilang asawa 'di ba ang mga asawa malalakas ang... [pakiramdam]? Ako, ramdam ko meron. Ramdam ko. Gut feel."

Gayunman, hindi na raw iyon mahalaga pa para kay AiAi dahil sa naging pasya ni Gerald.

“Kapag lumaban pa kasi ako, kunyari nag-stay ako, alam ko naman ang magiging ending. Yung dignity at self-worth ko, mawawala na 'yon," paliwanag niya.

Minsan na rin umanong nagtaksil sa kaniya noon si Gerald kaya nagkaroon na rin siya ng trust issue sa asawa.

Inihayag din ni AiAi na noon pa man ay inihanda na niya ang sarili sa ganitong pangyayari dahil sa mas bata si Gerald sa kaniya.

“Alam ko na bata pa si Gerald baka magbago yung isip. Pero alam mo yung, 'Sana huwag. Sana totoong may forever. Sana binigyan talaga ako ni Lord ng pagkakataon na magkaroon ng maganda, matagal na pag-aasawa," paliwanag niya.

Hindi lang daw inasahan ni AiAi na mangyayari ang paghihiwalay nila nang mas maaga kaysa sa kaniyang inaasahan.

“Akala ko, kapag 35 years old na siya [makikipaghiwalay]. Ito na pala 'yon,” patuloy niya.

Matapos ang chat nila ni Gerald, sinabi ni AiAi na hindi pa sila nagkakausap muli dahil na rin sa napansin niyang desidido na ang estranged husband na makipaghiwalay sa kaniya.

Sa kabila nito, umaasa si AiAi na mahahanap ni Gerald ang gusto nitong kaligayahan at mapatakbo ang sariling buhay.

"Alam na niya ngayon how to fly. Parang kasi dati, ako yung nagmamaniobra, kasi ako talaga yung medyo matanda sa kaniya. So ngayon, mayroon na siyang karapatan to fly, nagwo-work na siya. Nandoon na siya sa Amerika,” sabi pa ni AiAi.--FRJ, GMA Integrated News