Nilinaw ni Buboy Villar sa bagong afternoon show sa GTV "Lutong Bahay" ang tunay na relasyon nila ni Jelai Andres.

Sa nakaraang episode ng programa, tinanong ng host na si Mikee Quintos si Buboy kung nakaramdam ba siya na higit pa sa pagiging magkaibigan ang damdamin niya para kay Jelai.

Ayon sa aktor, talagang matalik na magkaibigan lang talaga sila ni Jelai.

“Alam mo namang best friend ko si Ruru [Madrid], 'di ba? So alam ko 'yung pakiramdam ng isang best friend, at naramdaman ko kay Jelai 'yun,” paliwanag ni Buboy.

Sinabi rin ng aktor na puwede namang maging mag-best friend ang isang lalaki at isang babae nang walang halong "lebel" o "kalandian."

“Puwedeng mangyari 'yon na isang lalaki, magiging best friend ang babae. Puwede 'yon, na walang halong label o walang kahit anong kalandian,” dagdag niya.

Ayon pa kay Buboy, magiging panghabang-buhay niyang bestfriend si Jelai.

Sa isang episode programang "The Boobay and Tekla Show," inihayag ng dalawa na sadyang malapit sila sa isa't isa pero hanggang pagiging magkaibigan lang.

Sinabi rin ni Buboy sa naturang panayam na napa-caring na kaibigan ni Jelai, na inaalam pa kung nakauwi na siya ng bahay.

BASAHIN: Jelai Andres, na-fall na nga ba kay Buboy Villar?

Hiwalay si Buboy sa dati nitong partner na si Angillyn Gorens, at mayroon silang dalawang anak.

Sa panayam sa "Lutong Bahay," inihayag ni Buboy na hindi niya nakikita na magkakabalikan pa sila ni Angillyn pero masaya siya sa parenting set-up nila para magandang future ng kanilang mga anak.

“Kumbaga, masaya ako sa sitwasyon namin ngayon dahil naka-focus kaming dalawa sa mga anak namin. Wala kaming gusto sa future kung hindi mapaganda ang kinabukasan ng mga anak namin,” ayon sa aktor.--FRJ, GMA Integrated News