Kinasuhan na ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang dalawang independent contractors na inireklamo ng panghahalay ng aktor na si Sandro Muhlach.
Sa ulat ni Saleema Refran sa Super Radyo dzbb nitong Miyerkoles, sinabing nagsampa ang piskalya ng one count of rape through sexual assault at two counts of acts of lasciviousness laban kina Jojo Nones at Richard Cruz sa Pasay Regional Trial Court (RTC).
Isinampa ang kaso matapos makakita ng sapat na ebidensiya ang piskalya laban kina Nones at Cruz.
Ang kaso ay mula sa reklamo ni Muhlach at ng National Bureau of Investigation (NBI) na inihain laban kina Nones at Cruz sa DOJ noong nakaraang Agosto.
Unang nagsampa ng reklamo si Muhlach sa NBI laban sa dalawang independent contructor, na dahilan para magsagawa ng imbestigasyon ang ahensiya.
Nakakita naman ng katibayan ang NBI upang isampa sa DOJ ang reklamo ng aktor laban sa dalawa.
Naghain ng counter-affidavit sina Nones at Cruz para hilingin sa DOJ na ibasura ang reklamo dahil sa kawalan umano ng documentary evidence.
Sa 20-pahinang resolusyon, inihayag ng DOJ panel of prosecutors na may nakitang basehan ng sexual assault at acts of lasciviousness sa kaso.
Napatunayan din umano ni Sandro ang elemento ng pananakot at puwersa sa nangyaring krimen.
“It is clear from the statement of complainant Sandro in his affidavit that he repeatedly resisted and pleaded with respondents to stop their unwanted sexual advances,” saad sa resolusyon.
“Unfortunately, complainant Sandro was too physically too weak and dizzy to succeed due to the effects of the drugs and alcohol,” dagdag nito.
Idinagdag ng DOJ na kahit mukhang normal si Sandro matapos ang insidente ng panghahalay, hindi umano ito maituturing na walang nangyari sa aktor.
“This experience is relative and may be dealt with in any way by the victim depending on the circumstances, but his credibility should not be tainted with any modicum of doubt,” ayon sa DOJ.
Hindi rin umano naapektuhan ang kredibilidad ni Sandro kahit hindi nito kaagad isinumbong ang nangyari sa kaniya dahil sa pangamba sa posibleng maging epekto sa kaniyang trabaho bilang artista.
Nang hingan ng komento si Atty. Maggie Garduque, abogado nina Nones at Cruz, sinabi nito na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng resolusyon.
"We will issue a statement as soon as we receive the copy and we have read the basis of the department in giving due course to the complaint," sabi ni Garduque.
Samantala, hinikayat ni acting Prosecutor General Richard Fadullon ang mga biktima ng pang-aabuso na huwag matakot na magsampa ng reklamo para makakuha ng hustisya.
“Hindi po tayo maaaring mabuhay sa likod ng pagiging takot, 'no? Kung meron tayong gustong mangyari doon sa— kung gusto natin makakuha ng hustisya para doon sa maling ginawa sa atin, kailangan tayo po ay maglakas loob na humarap,” pahayag niya.
Sinabi ni Fadullon na handa ang DOJ na tulungan ang mga biktima ng pang-aabuso.
“If we want that injustice corrected, we have to come forward and we have to be strong enough to speak and tell the world, tell the public, what it is that happened to you,” saad niya.
“Kung halimbawang matapos tayo doon sa kaso at maparusahan ‘yung mga akusado, then that will send a very strong signal to those who are bent on committing the same crimes again,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News