Sa grand media day para sa pelikula nilang "Hello, Love, Again," tinanong sina Alden Richards at Kathryn Bernardo tungkol sa pagbibigay ng ikalawang pagkakataon sa taong nakagawa sa kanila ng pagkakamali?
“Kung Diyos nga, nagpapatawad, ‘di ba? Why not you?” saad ni Alden sa naturang event nitong Huwebes.
Dugtong niya, “But sometimes… Hindi, depende pa rin po talaga sa tao.”
Ngunit para sa aktor, handa siyang magpatawad dahil sadyang nakakagawa umano ng pagkakamali ang tao.
“At the same time, at the end of the day, you just—you know, ‘yung iba, minsan forgiveness talaga. You forgive, and then you forget. But sometimes you forgive and move on, but you never forget,” sabi pa ni Alden.
Ayon naman kay Kathryn, lahat ay umaasa sa second chance.
“Lahat tayo, tao lang, we’re human beings. Even ako, sa sarili ko, alam ko na magkakamali at magkakamali ako. Makaka-disappoint ako ng tao, whether it’s intentional or unintentional, given ‘yon. Tao tayo eh, nagkakamali,” paliwanag niya.
Gagawin umano ni Kathryn ang lahat para mabigyan ng second chance at pagkakataon na maituwid kung may pagkakamali siyang nagawa para makuha muli ang tiwala ng tao.
“But again, we have to remember, we’re all different, ‘di ba? Some people can give a second chance, like Tisoy (Alden), some can give multiple chances, and some won’t. And that’s OK,” pahayag ng aktres, na ipinaliwanag din na magkakaiba ang pananaw ng mga tao, at depende sa sitwasyon.
"And for me, lagi kong iniisip na forgiveness or second chances isn’t an obligation. It’s a choice and it's a gift, so kapag binigay sa'yo 'yun ng tao, it's a privilege. Just like any gift, you have to take care of that and you have to earn that gift," sabi ni Kathryn.
Sa naturang event, pinasalamatan din ni Alden si Kathryn dahil sa ibinibigay nitong tiwala sa kaniya.
"I think hindi ko magagawa 'tong project na 'to without you, so I'm very grateful. And maraming salamat sa paghawak sa kamay ko in this project," ani Alden kay Kathryn.
Ang "Hello, Love, Again" ay karugtong ng kuwento ng 2019 blockbuster hit na "Hello, Love, Goodbye," sa direksyon pa rin ni Cathy Garcia-Sampana.
Mula sa Hong Kong, dadalhin nina Ethan at Joy ang kuwento ng kanilang pag-ibig sa Canada.
Mapapanood ang "Hello, Love, Again" sa mga sinehan simula sa November 13. Ipapalabas din ito sa North America, Middle East, at Asia Pacific. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News