Hindi itinanggi ng character actor na si Raul Dillo na aapektuhan siya sa pangmamaliit ng iba sa ginagawa niyang pagtitinda ng longganisa para maitaguyod ang kaniyang pamilya.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video ng 7’3” na si Dillo, na naglalako ng longganisa sa gilid ng daan gamit ang kaniyang tricycle.
"Dating artista tingnan mo naman ang buhay nagta- tricycle na lang, nagtitinda na lang ng kung ano-ano," saad ni Dillo tungkol sa ilang komento na kaniyang nakukuha. "Masakit siyempre dahil hindi ko naman nakasanayan yung ganung pamumuhay noong araw."
Madalas na mapanood noon sa pelikula o TV shows si Dillo na may temang kababaghanan o pantasya kung saan gumaganap siya sa mga role na kakaibang nilalang gaya ng kapre o higante.
Pag-amin ni Dillo, hindi siya nakapag-ipon ng pera sa kaniyang pag-aartista dahil na rin sa hindi madalas ang kaniyang natatanggap na mga proyekto.
"Hindi naman ako bida o superstar na sila yung priority. Ang katulad kong character [actor] lamang kumbaga kung mayroon lang po talagang project na naayon po yung aming character," ayon kay Dillo na wala namang hinanakit tungkol sa kaniyang karera sa showbiz.
Dahil walang proyekto sa showbiz, ang pagtitinda ang pinagkukunan ni Dillo ng kabuhayan para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya, at pag-aaral ng dalawa niyang anak.
Bagaman kamakailan lang napansin ang pagbebenta ni Dillo ng longganisa, ikinuwento niya na matagal na siyang nagtitinda ng kung anu-ano, gaya ng lugaw at pancit.
Kuwento ni Dillo, siya ang nagluluto noon ng kaniyang paninda pero natigil nang magkaroon siya ng sakit. Sunod naman ay mga isda, karne, gulay, at iba pa ang kaniya namang itininda.
Hanggang sa malipat naman siya sa pagtitinda ng longganisa sa tulong ng kaibigan na pitong taon na niyang ginagawa.
Mayroon ding kaibigan si Dillo na nagpahiram naman ng apartment na kanilang tinitirhan ngayon sa Imus, Cavite.
Ngunit kahit minamaliit ang kaniyang hanapbuhay, hindi ikinakahiya ni Dillo ang kaniyang pagtitinda dahil sa marangal naman ito.
"Walang masama sa pagbebenta ng longgonisa, marangal na hanapbuhay," saad niya. "Kailangan ko pong buhayin yung pamilya ko."
Ang tanging pangarap ni Dillo, makapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang dalawang anak.
Pero bukod sa sakit ng kalooban na kaniyang nararamdaman dahil sa mga nagmamaliit sa kaniyang hanapbuhay, inihayag ni Dillo na may dinadamdam din siya tungkol sa kaniyang kalusugan.
Kaya naman ipinasuri si Dillo sa espesyalista at dito nalaman kung ano ang kaniyang mga karamdaman. Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News