Huli pero hindi kulong ang isang scalper na nagbenta ng concert tickets ni Olivia Rodrigo na aabot sa P23,000 ang bawat isa kahit pa nasa P1,500 lang ang orihinal na presyo nito.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing naaresto sa labas ng Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ang scalper.

Isa sa nakabili ng tiket si Killa Kush, na galing pang Singapore na kinailangan muling magpunta sa police station kaugnay sa scalper na nabilhan niya ng tiket na sobra-sobra ang ipinatong na presyo.

Pero dahil wala pang ordinansa ang Bocaue laban sa naturang sistema ng pagpapatong sa presyo ng tiket, inutusan na lang ang inarestong suspek na isauli ang ipinatong niyang singil sa "nabiktima" niya.

"Lahat ng concert, pinupuntahan niya para kumita," ayon kay Police Leiutenant Colonel Manuel De Vera, hepe ng Bocaue Police Station. "Allegedly businessman."

Ayon kay Killa, dalawang tiket ang binili niya sa scalper na nagkakahalaga ng P46,000.

"Pagdating ko doon, andun siya kasama 'yung mga police. Naka-off pa 'yung cellphone niya. Tapos sabi ng pulis, sige, i-on mo na 'yung cellphone. Tsaka ibalik mo 'yung pera. So, binank-transfer niya ako ulit tapos binigay 'yung tickets," kuwento ni Killa.

"Sobrang apologetic ng scalper na sabi ko, 'sige, bayaran kita P1,500 for each ticket.' So, P3,000. Pero sabi ng police, 'Hindi, masama talaga 'yung ginawa niya. Kasi binibenta 'yung ticket na binili mo na to other people for 15,000 pa,'" dagdag niya.

Pinayuhan si Killa ng mga pulis na kunin ang full refund. Nakapasok pa rin naman ang dalaga sa concert.

Ayon kay De Vera, Singaporean ang suspek na dati na umanong taktika ang naturang pagbebenta ng tiket.

"Ang sinabi niya agad is willing naman daw siyang ibalik 'yung payment para lang matapos na 'yung issue. At hindi naman daw niya pinilit na bilhan o ibenta 'yung kaniyang tickets doon po sa kay madam," ani De Vera.

Sa ngayon, ang Quezon City, Pasay City, at San Juan City ang may ordinansa laban sa scalping o pagbebenta ng tiket sa mas mahal nitong orihinal na presyo.

Ayon kay Atty. Sherwin Tugna, vice mayor ng Bocaue, plano nilang magpasa ng ordinansa laban sa naturang gawain.

"Bukas pag-uusapan namin ito sa Sangguniang Bayan ng Bocaue to protect the consumers, to protect the Bukawennyos kahit na may risk na ma-question ang constitutionality nito," saad niya.

"'Yung State kasi hindi puwedeng mag-intervene between a buyer and a seller basta pareho silang nag-agree," paliwanag niya.

Nagtakda ng flat rate na P1,500 sa "Guts" world tour ni Olivia na ang kikitain ay mapupunta sa Jhpiego, isang organisasyon na nagkakaloob ng healthcare assistance sa mga mahihirap na kababaihan sa Pilipinas.

Mahigit 700,000 fans ng pop star na pumila nang buksan na ang ticket selling noong nakaraang buwan. —FRJ, GMA Integrated News