Engaged na ang anak ni Ogie Alcasid na si Leila Alcasid sa Filipino musician na si Mito Fabia, aka Curtismith.

Ibinahagi nina Leila at Mito ang naganap na engagement sa kanilang post sa Instagram nitong Linggo.

Makikita ang singsing na suot ni Leila, matapos ang proposal ni Mito na ginawa sa Calaca, Batangas.

“The most special anniversary gift,” saad ni Leila, na anak nina Ogie at dating beauty queen na si Michelle van Eimeren.

Sa comment section, inihayag ni Ogie ang kasiyahan para sa dalawa.

“Love you, congratulations,” saad ng OPM icon at TV host.

Sa isang episode ng "It's Showtime" nong Agosto, inilahad ni Ogie sa segment na "Expecially For You" ang hinanakit niya kay Leila nang bumukod na ito sa kaniya at sumama kay Mito.

Sa kabila ng lahat, iginagalang daw niya ang pasya ng anak na nasa hustong edad na.

“Kasi bilang magulang, hindi mo talaga mapipigilan 'yung anak ninyo e. Kahit ano'ng gawin ninyo, gagawin at gagawin nila. So kami bilang magulang, nandiyan lang kami, naghihintay lagi kung kailan n'yo gusto bumalik," ani Ogie. “Halimbawa lang, may nangyari sa kanila na hindi sila magkatuluyan, nandoon ka pa rin mag-aabang, gano'n ang role namin.”

Inihayag ito ni Ogie nang mapag-usapan sa naturang segment ang nararamdaman ng mga magulang kapag nagdesisyon na ang kanilang anak na bumukod o umalis na sa kanilang poder.

Samantala, binati naman ng fans at kapuwa celebrities sina Leila at Mito sa kanilang engagement. —FRJ, GMA Integrated News