Inilabas na ang official trailer para ipasilip ang inaabangang "From the World of John Wick: Ballerina," na pagbibidahan ni Ana de Armas--ang ballerina na naging assassin.

Sa trailer, lumalabas na nangyari ang mga tagpo sa panahon ng chapter 3 ng "John Wick: Parabellum" na bida si Keanu.

Gagampanan ni Ana ang karakter ni Eve Macarro, isang ballerina na sasanayin para maging assassin ng Ruska Roma crime syndicate.

Sa huling bahagi ng trailer, makikitang kausap ni Eve si John Wick (Keanu Reeves), at tila hihingi ng payo na, "How do I start doing what you do?"

"Looks like you already have," sagot naman ni John.

Ayon pa sa trailer na puno rin ng matitinding aksyon, "Vengeance has a new face."

Maliban kina Ana at Keanu, kasama rin sa "From the World of John Wick: Ballerina" sina Anjelica Huston, Gabriel Byrne, Lance Reddick, Catalina Sandino Moreno, Norman Reedus, at si Ian McShane, bilang si Winston Scott, ang magdadala sa batang si Eve para maging ballerina.

Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang pelikula sa June 6, 2025. —FRJ, GMA Integrated News