Ibinahagi ni Suzette Doctolero, head writer ng Kapuso hit series na "Pulang Araw" na 2012 pa nabuo at naaprubahan ang konsepto nito. Pero bakit nga kaya inabot 12 taon bago ito tuluyang nagawa at kasalukuyang sa Kapuso Network at maging sa Netflix.
"Ginawa ko na ang concept ng Pulang Araw right after Amaya [series], 2012. Twelve years," kuwento ni Doctolero sa panayam ng "Updated with Nelson Canlas" podcast.
"Ginawa ko ang konsepto, isinubmit ko with GMA at dahil na-create ang Encantadia, nag-create ako ng Amaya, in-approve agad talaga nila 'yung concept ng 'Pulang Araw' way back in 2012," pagpapatuloy niya.
Ayon sa batikang writer, "Pulang Araw" na talaga ang titulo ng serye na simbulo ng Japanese flag.
Kaugnay ng pananakop ng Japan sa Pilipinas ang istorya ng "Pulang Araw", na pinagbibidahan nina Alden Richards, Barbie Forteza, David Licauco, Sanya Lopez at Dennis Trillo, at maraming iba pa.
Ayon kay Doctolero, hindi kaagad nagawa ang "Pulang Araw" kahit may konsepto na ito dahil sa inaasahang laki ng gastos sa produksyon at limitasyon pa noon sa teknolohiya.
"In-approve agad siya, kaya lang hindi lang siya agad nagawa before kasi napaka-costly niya. At saka at that time 'yung CGl [computer-generated imagery] natin hindi pa naman talaga magaling," ani Doctolero.
Napapanahon umano ang pagpapalabas ng "Pulang Araw," dahil na rin sa mataas ang tensiyon ngayon sa usapin ng West Philipine Sea.
"With the China tension na nandidiyan, so yes may mga pattern siya na katulad noon sa invasion ng Japanese, nararamdaman na. So medyo realistic siya at napapanahon pa rin siya kahit na ang tagal nang nangyari ng giyera ng Hapon dito sa Pilipinas, pero relevant pa rin siya sa nangyayari ngayon sa atin," paliwanag niya.
Ayon pa kay Doctolero, ikinatutuwa niya ang hamon ng pagsusulat ng historical fiction, dahil mas natututo pa siya sa pagbabasa niya ng mga libro at research.
"Kahit meron kaming history consultant, nahihiya ako na magtanong na magtanong sa kanila. Kapag nagsusulat ang isang writer, nakaharap na siya sa computer, hindi niya katabi ang history consultant. Wala siyang ibang aasahan kundi sarili niya," sabi niya.
"That's why ako at ang writers ko, nire-require ko na magbasa nang magbasa," dagdag ni Doctolero. --FRJ, GMA Integrated News