Ilang eksena pa lang, damang dama na ang bigat at lungkot nina Joy at Ethan sa bagong teaser ng pelikulang “Hello, Love, Again,” nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, sinabing malapit nang muling masundan ang naputol na love story nina Joy at Ethan sa “Hello, Love, Goodbye” noong 2019 dahil ipalalabas na ang “Hello, Love, Again” sa mga sinehan sa Nobyembre.

Nagpasalamat si Alden sa pagmamahal na ipinakita ng fans nila ni Kathryn sa nakaraang advanced ticket selling ng pelikula.

Kaya bilang sa kanila, inilabas na ang bagong teaser ng pelikula.

“Kami naman ni Kath, when we talk about the film, we see to it that we don’t really put much pressure and expectations, we will just let the audience decide. We know we have a good film, we know we have a great film. Itong parating naming pelikulang ‘Hello, Love, Again’ ‘yung excitement gusto natin na ma-excite sila rito sa pelikula namin ni Kath as much as we are,” sabi ni Alden.

Sa naturang teaser, binalikan ang pamamaalam nina Ethan at Joy sa Hong Kong na karakter nina Alden at Kath sa "Hello, Love, Goodbye."

Hanggang sa nakarating na si Joy sa Canada at nanatili ang komunikasyon nila ni Ethan sa pamamagitan ng mga tawag at video calls.

Kalaunan, sumunod na rin si Ethan sa Canada at muli silang nagkita sa airport pero tila may magbabago na sa pakikitungo nila sa isa’t isa.

Sa isa pang eksena, nag-order si Joy ng kape kay Ethan sa isang coffee shop, ngunit sinabi ni Joy na “Marie” na ang kaniyang pangalan.

"Joy is gone," sabi ni Kath na ikinabigla ni Ethan.

Kung ano ang ibig sabihin na "gone" na si Joy, mapanonood sa Nobyembre 13 ang "Hello, Love, Again" sa mga sinehan, sa direksyon pa rin ni Cathy Garcia-Sampana.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News