Pabirong sinabi ni komedyanteng si Empoy Marquez na may bigote na siya mula pa noong ipinanganak siya. Marami na rin umanong nagtangka na ahitin ang kaniyang bigote. May nagtagumpay naman kaya?

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel" na bisita si Empoy, tinanong ang aktor kung kailan niya nadiskubre ang talento niya sa pagpapatawa.

"Yesterday," natatawang sagot ni Empoy.

Pagseryoso nito, nasa high school o college na siya nang sabihin sa kaniya ng kaniyang mga kaklase na nakakatawa siya.

"May something sa akin na kakaiba, meron silang nakikita na humor daw. Which is hindi ko naman napapansin, kasi ang balak ko lang talaga noon is mag-aral ako nang mabuti, maka-graduate ako, maging summa cum laude ako. Summa?," patuloy ni Empoy.

Matapos nito, nagtrabaho si Empoy sa isang convenience store, at naging staff sa kaniyang kolehiyo sa Bulacan.

Hanggang sa may naghikayat sa kaniyang kaibigan na mag-audition sa isang noontime show para sumali sa "Mr. Suave" look-alike contest na siya ang nanalo noong 2003.

Gaya ni "Mr. Suave," kapansin-pansin ang bigote ni Empoy. Kaya naman inalam na rin ni Pia ang kuwento sa likod kung bakit lagi siyang may bigote.

"Matagal na, since noong pinanganak ako," biro niya tungkol sa pagkakaroon ng bigote.

"Hindi ko alam, naging trademark ko na siya, tapos hindi na siya mawala. Pero tini-trim ko naman siya kapag madaling-araw. Kapag 2 a.m." dagdag niya.

Ayon pa kay Empoy, marami na umanong nagtangka na ahitin ang kaniyang bigote at may mga nagtapumpay naman alang-alang sa pelikula.

"Marami nang nagtangka na ahitin, tanggalin. Pero may mga nanalo... may mga palabas ako na dalawa talaga na nagawa ko na wala akong bigote," sabi niya.

Si Empoy ang pinakabagong co-host ngayon ni Susan Enriquez sa longest-running historical, traditional, and cultural show ng GMA Public Affairs na "I Juander," na napanonood tuwing Linggo ng 7:50 p.m. sa GTV.--FRJ, GMA Integrated News