Bumiyahe kaninang madaling araw si Sparkle artist Sofia Pablo.

Yan ay para dumalo sa Netflix Red Carpet Premiere ng "Emily in Paris" Season 4 na gaganapin sa Italy sa September 10.

Siya raw at ang content creator na si Mimiyuh lamang ang bukod tanging Pilipino na naimbitahan sa naturang event.

Ayon kay Sofia, excited na siya na makita and buong cast ng show, lalo na si Lily Collins na bida sa nasabing series.

Ang "Emily in Paris" ay tungkol sa buhay, trabaho at love life ng isang American marketing executive, si Emily Cooper na ginagampanan ni Lily Collins, na nagtatrabaho sa isang marketing firm sa Paris, France.

Aniya, pinaghandaan niyang maigi ang event at ang designer na si AJ Jacier daw ang nag disenyo ng kanyang susuotin sa red carpet.

Kasamang lumipad papuntang Rome ng Sparkle artist ang kanyang Daddy.

Plano daw nilang maglibot dito sa unang dalawang araw ng pagdating nila.

Kaugnay nito, mamimiss umano niya ang kanyang Mommy at ang kangyang ka love team na si Allen na naghatid sa kanya sa airport.

Ayon kay Allen, proud siya sa kanyang ka-tandem dahil pangarap talaga nitong makapunta ng Rome.

Samantala, sinabi ni Sofia na sa ngayon ay marami na silang nakuhanan na major scenes para sa kanyang upcoming TV series na "Princesa ng City Jail."

Nakatakda siyang bumalik ng Pilipinas sa September 12. — BAP, GMA Integrated News