Nag-post sa social media kamakailan si Kate Valdez na kasamang namamasyal sa Hong Kong Disneyland ang Japanese vlogger at artist na si Fumiya Sankai. Ayon sa Kapuso actress, ang naturang biyahe ay regalo sa kaniya ng huli.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Kate na tinanong siya ni Fumiya kung ano ang gusto niya sa kaniyang special day.

"'Yung trip na 'yun, it was a gift for me from him. Gusto niyang i-spend 'yung special day ko with me. So tinanong niya ko kung ano 'yung gusto ko, and then I told him na 'Parang gusto kong ma-experience 'yung Disneyland,'" kuwento ni Kate.

Ayon sa Sparkle, "very at peace" siya kapag kasama si Fumiya.

Nang tanungin tungkol sa estado ng kanilang relasyon, sagot ng aktres, "Ano, Tito Lhar, sobrang happy kami sa isa't isa, sa presence ng isa't isa."

Hindi naman itinanggi ni Kate na in love siya.

"Sobra. And I'm happy, and I'm grateful for him," dagdag niya.

Nagkakilala ang dalawa sa isang event.

"Kasi now, he's an artist na. He's making songs, music, ganiyan, so um-attend ako, and then I met him. And then 'yun, tuluy-tuloy na po," paliwanag ni Kate.

Mapapanood si Kate sa Philippine remake ng hit K-drama na "Shining Inheritance," kasama sina Kyline Alcantara, Michael Sager, Paul Salas, at Coney Reyes.

Samantala, sumali naman noong 2019 si Fumiya sa isang reality show sa Pilipinas. —FRJ, GMA Integrated News