"Pinakawalan" na mula sa pagkakadetine sa Senado si Jojo Nones, ang isa sa dalawang independent contractor na inireklamo ng aktor na si Sandro Muhlach ng panghahalay.
Idinetine sa Senado si Nones mula pa noong Agosto 19 dahil sa pagtanggi niyang sagutin ang ilang tanong ni Senador Jinggoy Estrada, kaugnay sa isinasagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, tungkol sa harassment sa entertainment at media industry.
Kabilang sa mga tanong ni Estrada ang tungkol sa mga alegasyon ni Muhlach sa nangyari umanong panghahalay. Pero tumanggi si Nones na sumagot at iginiit ang kaniyang karapatan "to self-incrimination."
BASAHIN: Jojo Nones, mananatiling nakadetine sa Senado; Richard Cruz, nasa ospital naman
Nagsampa na si Sandro ng reklamong rape sa Department of Justice laban kina Nones at Richard Cruz.
Ayon kay Estrada, sumulat sa kaniya si Nones at humingi ng paumanhin sa mainit nilang diskusyon sa pagdinig nitong Martes, na tinanggap naman ng senador.
"I recognize that my words and tone may have come across as disrespectful and I deeply regret allowing my emotions to get the best of me," saad ni Nones sa sulat.
"The anxiety and stress I've been experiencing due to my detention unfortunately clouded my judgment and I did not express myself in the matter intended. Please know that it was never my intention to be disrespectful to you or the Senate," dagdag nito.
Kasunod nito, sumulat naman si Estrada kay Senador Robin Padilla, chairperson ng komite, para ipaalam na hindi siya tututol kung aalisin na ang order of arrest at detention laban kay Nones "for humanitarian considerations."
Nitong Miyerkules ng hapon, pinirmahan ni Senate President Francis "Chiz" Escudero ang release order ni Nones mula sa pagkakadetine sa Senado.—FRJ, GMA Integrated News