Matapos maging opisyal na Kapuso, inihayag ng South Korean actor na si Kim Ji Soo ang aktres na gusto nitong makatrabaho.

Sa press conference nitong Miyerkules matapos siyang pumirma ng kontrata bilang Sparkle artist, sinabi ng South Korean actor na hangad niyang makapareha sa proyekto si Barbie Forteza.

"I want to work with her because she is a good actress. I've watched her few acting scenes, and she's a really good actress," ayon kay Kim Ji Soo.

Napapanood ngayon si Barbie sa GMA Prime series "Pulang Araw" bilang si Adelina Dela Cruz, na isang bodabil actress, at kapatid ng karakter ni Alden Richards.

Bukod kay Barbie, nais ni Kim Ji Soo na makatrabaho si Ruru Madrid. Bagaman nakasama siya sa "Black Rider," hindi raw sila nagkaroon ng eksena ni Ruru.

Sa nakaraang panayam, inilarawan ng Korean actor na "cool" si Ruru, na nais niyang makasama sa proyekto.

Kasalukuyang napapanood si Kim Ji Soo sa top-rating GMA Afternoon Prime series na "Abot-Kamay Na Pangarap," na gumaganap siya sa papel bilang si Dr. Kim Young. —FRJ, GMA Integrated News