Inihayag ng P-Pop Kings na SB19 ang kanilang saloobin tungkol sa ginagawang “shipping” o pagtatambal sa kanila ng ilang fans, at hinikayat na huwag silang mag-away-away dahil dito.
“Mahilig ‘yung fans sa shipping. Hindi namin maiiwasan ‘yun,” sabi ni Stell sa ikalawang bahagi ng sit down interview sa kanila sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
Para kay Stell, normal lamang ang ginagawa nilang pagpapakita ng pagmamahal o pag-aalaga sa kanilang kapwa mga miyembro, ngunit nilalagyan ito minsan ng ibang kahulugan ng ilang fans.
“Bakit ganu’n ang tingin ng tao, eh sa amin normal naman ‘yun bilang magkakaibigan. Sa ibang tao, iba pala ang iniisip nila,” sabi niya.
“Nag-a-‘I love you’-han po kami,’ pagsegundo ni Pablo.
Ngunit nang tanungin ni Tito Boy kung ipinagpapatuloy pa ba nila ito, “Hindi na po ngayon, kasi ang hirap na po eh,” natatawang sagot ni Stell.
“Those times uma-answer po ako out of kung ano ang ibinigay sa akin, pero noong mga time na ‘yun nahirapan po ako talaga na, hayaan mo na, nandiyan na eh. Hindi mo naman mapi-please lahat,” pagbabahagi naman ni Josh.
“Doon pa lang po ako natututo na parang, ganito pala ang buhay na may fame, maraming magagamit sa ‘yo kahit hindi ka aware sa nangyayari. Better to be mas maingat,” dagdag pa ni Josh.
Para sa grupo, hindi nila hinahayaang makaapekto sa kanilang pagkakaibigan ang ginagawang shipping ng fans.
“Kasi ayaw din naming hayaan na maapektuhan kami as friends, and as a group. Kasi kung sa amin joke lang siya and then sa mga tao pala sa public iniisip nilang totoo, and then gagawan pa ng mas malalang issue,” ani Stell.
Binanggit ni Stell ang isang kumalat na issue kamakailan, kung saan may tinarayan umanong artist si Pablo, dahil nagselos umano ito nang lumapit ang artist kay Stell.
“Sa akin, ang labo naman ng mga nangyayari rito. Akala ko ba masaya lang tayo rito, tapos all of a sudden may ganu’ng issues? Gusto rin po sana naming siyang ma-break. Nandito lang kami para maging masaya tayo,” sabi ni Stell.
“Wala naman po kaming problema sa ganu’ng klaseng mga question or issues, kasi willing naman kaming sagutin lahat just to clarify everything,” pagpapatuloy pa ni Stell.
“‘Yun lang po siguro ‘yung mga bagay na, para sa akin, in my opinion na hindi na maganda. It’s because ‘yung mga taong hindi pa nakakakilala sa amin tapos ganu’n ‘yung makikita nila,” pahayag naman ni Ken.
“‘Yung first impression kasi may kasabihan, ‘yun talaga ang pinakamatatandaan ng tao, especially kapag hindi kami kilala tapos gusto nila kaming kilalanin, and ‘yun ang nakikita nila sa social media, shipping tapos nag-aaway-away sila just because boto sila sa ganitong ship… Para sa amin it’s funny,” pagpapatuloy ni Ken.
Ngunit para kay Ken, hindi na maganda kung nagdudulot lamang ito ng away.
“It’s alright, as long as katuwaan lang. But to the point na mag-away-away na kayo just because of a petty thing na ganiyan, I think it’s not okay, hindi na siya maganda,” sabi ni Ken.
Ilulunsad ng SB19 ang kanilang “Pagtatag!” documentary film, na tumatalakay sa ups and downs ng kanilang “Pagtatag!” era, kabilang na ang kanilang world tour at pagkansela ng marami nilang show dahil sa nakaraang hidwaan sa dati nilang management na ShowBT Philippines.
Magkakaroon ng limited screenings sa mga sinehan ang “Pagtatag!” documentary film mula Agosto 28 hanggang Setyembre 1. --FRJ, GMA Integrated News