Binalikan ng P-Pop Kings na SB19 ang isa sa mga matindi nilang pagsubok noong pagbawalan silang gamitin ang kanilang trademark na “SB19.” Nangyari 'yan sa gitna ng kanilang paghahanda para sa kanilang anniversary concert at world tour.
“‘Yung emotional turmoil, ‘yung stress na ibinibigay sa lahat ng taong tumutulong sa amin, sa amin, araw-araw hindi kami makatulog. Talagang ganu’n po ‘yung nangyari sa amin,” pag-alala ng lider ng SB19 na si Pablo sa ikalawang bahagi ng kanilang panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Akala po kasi nila very successful na eh. Kami rin po parang, ‘We’re living the life.’ To be honest po nagpe-prepare po kami for our anniversary concert,” pagpapatuloy ni Pablo.
Dahil dito, nagduda sina Pablo, Stell, Ken, Justin at Josh kung itutuloy nila ang kanilang mga show para sa kanilang PAGTATAG! World Tour.
“Meron po kaming anniversary concert. Siyempre lahat ng tao about celebration, very happy, tapos may matatanggap kang liham, na hindi ka na ganito. So, ika-cancel ba namin ang show namin?’’ sabi pa ni Pablo. “Marami po kaming countries na hindi napuntahan kasi na-cancel ‘yung show, bawal naming gamitin.”
Hindi itinago ng SB19 members na ikinasakit ng kanilang damdamin na hindi na sila tinawag bilang “SB19” nang magtanghal sila, lalo’t tatak na nila ito.
“Nag-perform po kami, ‘Please welcome, Pablo, Josh, Stell, Ken and Justin!’” pag-alala ni Pablo.
“Hindi mo ma-feel ang moment na ‘yun, na parang, ‘Ano kami, sino kami?’” pagsegundo ni Stell.
“Ang pinaka-worry din, ‘yung ‘Dito na ba titigil lahat?’ Ang hirap eh, binuhos mo ‘yung lahat tapos in an instant may ganu’n,” sabi ni Josh.
Disyembre nang makipagkasundo ang SB19 sa kanilang dating agency na ShowBT Entertainment, at naayos na rin nila ang usapin sa paggamit ng pangalan at logo ng kanilang grupo.
Nobyembre noong nakaraang taon nang mapansin ng fans na binitiwan ng grupo ang “SB19” sa kanilang official Instagram handles.
Samantalang "MAHALIMA" naman ang itinawag na sa fans ng grupo na dating mas kilala bilang "A’TIN."
Noong ding Nobyembre, isa-isang kinansela ng SB19 ang nakatakda nilang mga show sa Singapore, Bangkok, Dubai, at Japan, na bahagi ng kanilang PAGTATAG! World Tour in Asia para umano "to prioritize their well-being” at “to resolve current complexities affecting the tour.”
Pagkaalis sa ShowBT, inilunsad nila ang sarili nilang kompanya na 1Z Entertainment, na si Pablo ang tumatayong CEO. -- FRJ, GMA Integrated News