Sinabi ni Senador Jinggoy Estrada na mananatiling nakadetine sa Senado si Jojo Nones dahil sa patuloy na pagtanggi nito na sagutin ang kaniyang mga tanong tungkol sa alegasyon ng panghahalay na ginawa sa aktor na si Sandro Muhlach. Ang isa pang inirereklamo na si Richard Cruz, maysakit umano at nasa ospital.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate public information and mass media committee nitong Martes, tinanong ni Estrada si Nones kung totoo na humingi sila ni Cruz, nang patawad sa ama ni Sandro na si Niño Muhlach nang magkaharap sila matapos ang insidente.
“These are now details of the case, your Honor. I invoke my right to self-incrimination,” sagot ni Nones sa komite.
Sinubukan muli ni Estrada na magtanong kay Nones pero tumanggi pa rin si Nones na dahilan para mainis ang senador.
“I know your rights! I know your rights! You are always trying to evade the questions that are incriminating to yourself at the very start of this hearing. You get a court order for you to be released here,” sabi ni Estrada kay Nones.
Nakadetine si Nones sa Senado mula pa noong August 19.
Samantala, hindi nakadalo sa pagdinig si Cruz dahil naka-confine umano ito sa isang ospital dahil sa gastrointestinal bleeding, ayon sa kaniyang abogado.
Sa naturang pagdinig, inihayag ni Sandro ang ilang detalye tungkol sa ginawa umanong pang-aabuso sa kaniya nina Nones at Cruz.
Muli namang tumanggi si Nones na magkomento tungkol sa mga pahayag ni Sandro, at iginiit ang kaniyang karapatan laban sa self-incrimination.
Samantala, inihayag sa komite ng iba pang TV networks na nakatanggap sila ng mga ulat ng sexual harassment mula sa kani-kanilang empleyado.
Ayon kay Estrada, susuriin ng komite ang mga batas patungkol dito para alamin kung kailangang amyendahan at magpataw ng mas mabigat na parusa.
Naghain na ng reklamong rape si Sandro sa Department of Justice (DOJ) laban kina Nones at Cruz.
Nauna nang itinanggi ng dalawa ang paratang laban sa kanila. —FRJ, GMA Integrated News