Inilahad ng P-Pop kings na SB19 na kamuntikan na silang mag-disband noong 2019, at may mga pagkakataong kinuwestiyon din nila ang kanilang mga sarili.

“‘Yun na po ‘yung parang kumbaga, bibigay na. Ilang levels na po ng explosion na sumuko ka na pero tina-try mo pa rin. So nakailang suko na talaga kami originally,” sabi ni Josh sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Mentally, physically. Pero paunti-unti nararamdaman mo eh,” pagpapatuloy ni Josh.

“Nakapapagod talaga mangarap. Well, nakakapagod, lalo na kapag walang sumusuporta,” sabi pa niya.

Ayon pa kay Josh, nakaranas sila nina Pablo, Stell, Ken at Justin na pagduduhan maging ang kanilang mga sarili.

“Siguro ‘yun ang pinaka-struggle for us, kasi kami, kinukuwestiyon na kami ng tao, pati kami, kinukuwestiyon namin ‘yung mga sarili namin.”

Inilahad naman ni Ken ang pinakamalalang bashing na kanilang natatanggap mula sa ibang tao.

“‘You’re ugly! You guys are ugly,’” pagbalik-tanaw ni Ken. “Always. Until now. Totoo po ‘yun.”

“Minsan nagiging personal na nga eh. Umaabot na sa, puwede mo na silang mademanda,” pagsegundo ni Josh, na tumututol sa ginagawang pagkakalat ng mga negatibo ng ilang tao.

“Pero ang sa amin naman, I mean I get their points, siguro merong nagsabi sa kanila na ibang kampo or ibang umaaway sa kanila, pero I don’t think it’s good na pati sa social media or even in other stuff, ipalalaganap pa nila ‘yung mga gano’n. Or ‘yung mga simpleng maka-di-disrespect to the other party,” sabi niya.

Hindi na umano ito maiiwasan kahit sa kasalukuyan, ayon naman kay Stell.

“Lagi naman pong ganu’n ever since. Until now, hindi po namin alam kung saan nanggagaling minsan ‘yung hate. But naririnig ko sa mga tao, sobrang forced daw po talaga ng hate,” sabi ni Stell.

Para kay Stell, hinahayaan niya na lang ang bashing na natatanggap kung ito ang ikasasaya ng bashers.

“For me, ‘yung mga ganu’ng klaseng bashing, hindi namin po pinapansin and hinahayaan ko na lang kung doon sila masaya kasi at least, kung sumaya sila roon, at least kami ‘yung dahilan kung bakit sila masaya. ‘Yun naman ang goal eh, magpalaganap ng saya.”

Si Pablo naman, napakuwestiyon din sa sarili noon.

“Meron pong time talaga in my life na kumakapit na lang ako kasi nandoon silang lima. Pero every action that I make, kinukuwestiyon ko rin ‘yung sarili ko. ‘Tama ba na may humahanga sa amin?’ So kung ganoon na ‘yung tingin ng tao sa amin, napapakuwestiyon ka na roon sa sarili mo na, ‘Karangal-rangal ba itong ginagawa ko? Dapat ko ba itong ikahiya? Tama ba ‘yung ginagawa ko or binibigyan ko lang ng, siguro masama ‘yung inaambag ko sa lipunan?’”

“Umabot sa point na ‘yung rejection, ‘yung sarili mo nang life ‘yung kinukuwestiyon mo,” dagdag pa ni Pablo.

Sa kabila ng kanilang mga pinagdaanan, taong 2019 nang mas mapansin pa ang SB19, dahil na rin sa pagpupursigi nila sa kanilang dance moves na inensayo nila nang 1,000 beses.

Itinuturing na ngayong P-Pop Kings ang grupo, at talagang kinahiligan ang kanilang mga awiting  "GENTO," "MAPA," “WYAT” “Bazinga,” at marami pang iba.

Inilabas din nila ang bago nilang single na "Kalakal," na isang kolaborasyon kasama si Gloc-9.

Ilulunsad din nila ang kanilang documentary film nitong Agosto 28 na tungkol sa kanilang "PAGTATAG!" era.

Magtutungo ang SB19 sa South Korea para tanggapin ang “Voices of Asia” award sa 2024 Billboard K Power 100.

Samantala, kasama rin sina Stell at Pablo bilang coach sa The Voice Kids, na kinabibilangan din nina Billy Crawford at Julie Anne San Jose. Si Dingdong Dantes naman ang magsisilbing host ng programa.  — VBL, GMA Integrated News