Trigger warning: Ang artikulo ay naglalaman ng anxiety, sexual abuse, at trauma.

Inilahad ng aktor na si  Sandro Muhlach sa isang post sa social media ang kaniyang pinagdadaanan dahil sa umano'y pang-aabuso na ginawa sa kaniya ng dalawang independent contractors ng GMA. Giit niya, ang kaniyang laban ngayon ay para sa lahat ng inabuso.

Sa Instagram Stories, sinabi ni Sandro na hindi siya makatulog nang maayos matapos ang nangyaring insidente noong nakaraang buwan.

“What you did to me, it wrecked me,” sabi ng aktor. “Hirap na hirap ako makatulog since it happened. Anxiety and [PTSDs] are hard to beat.”

BASAHIN: Sandro Muhlach, nagsalita na sa Senado: 'Hinila po ako sa bed'

Patuloy ni Sandro, “Diring diri pa rin ako sa sarili ko. Napakahirap tanggapin lahat [nang] ginawa sa’kin.”
Ayon sa binata, ginagawa niya ang lahat para may ok siya upang hindi mag-alala ang kaniyang pamilya.

“Lalo na ‘yung mommy ko na nasa America na araw-araw umiiyak dahil sinisisi niya ang sarili niya na malayo siya at hindi ako naprotektahan,” sabi ni Sandro, na anak ng dating child wonder na si Nino Muhlach.

Kasabay nito, nagpapasalamat si Sandro sa mga kaibigan at kaanak na laging siyang kinukumusta.
“Ang laban ko ay para [rin] sa lahat ng inabuso,” patuloy niya. “The truth will prevail.”

Nitong Lunes, pormal nang inihain ni Sandro at National Bureau of Investigation ang reklamong rape sa Department of Justice, laban sa mga independent contractor na sina Jojo Nones at Richard Cruz.

BASAHIN: Reklamong rape, isinampa ni Sandro Muhlach sa DOJ vs 2 independent contractors

Nitong nakaraang linggo sa pagdinig ng isang komite sa Senado, pinabulaanan nina Nones at Cruz ang mga alegasyon laban sa kanila.

May hiwalay na reklamo na inihaian sa GMA Network si Sandro laban kina Nones at Cruz, na sinuspinde ng network habang gumugulong ang imbestigasyon.— FRJ, GMA Integrated News