Isiniwalat ng singer-actor na si Gerald Santos sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information nitong Lunes na pinagsamantalahan umano siya ng isang dating musical director ng GMA Network, Inc. noong 2005, na kinalaunan ay sinuspinde at sinibak mula sa TV station.
Ginawa ni Gerald ang rebelasyon sa ginagawang pagdinig ng komite kaugnay sa mga patakaran ng mga television network at artist management agencies tungkol sa mga reklamo ng pang-aabuso at harassment.
"Ako po ay hindi po na-harass, hindi po na-abuse. Ako po ay na-rape po," emosyonal na sabi ni Gerald sa komite.
Ayon kay Gerald, bagaman may takot na paghigantihan siya, sinabi ng mang-aawit na nakahanda na siyang ilahad ang nangyari sa kaniya.
Batay sa mga dokumentong nakuha ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, nasuspinde at kinalaunan ay tinanggal ng GMA ang sinasabing musical director.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Atty. Angelo Diokno ng legal department ng GMA na mahigpit ang patakaran ng kompanya laban sa sexual harassment at wala itong kasaysayan na may pinagtakpan o ginawang cover-up.
"GMA has had the policy against sexual harassment. We have been strict about it. Again, we have never covered up any incident of sexual harassment," giit ni Diokno.
"If they say the department is not acting on it, they can go directly to legal, to [Human Resources], or to the Office of the President. So there are different avenues," dagdag niya.
"Legal is very active on the matter. We do not encourage any form of cover-up. In fact, if there is someone that is covering up the matter, we also file administrative case against them," sabi pa ni Diokno.
Naglabas din ng pahayag ang GMA Network, Inc. kaugnay sa inihayag ni Gerald sa komite:
"Naninindigan ang GMA Network laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso. Hindi kinukunsinti ng GMA ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga artista, personalidad, empleyado, independent contractors, at iba pang stakeholders nito.
"Alinsunod dito ang naging aksyon ng Network matapos nitong matanggap ang formal complaint ni Gerald Santos noong 2010. Agad nagsagawa ng imbestigasyon at matapos nito ay agaran ding ipinatupad ng Network ang nararapat na parusa sa inakusahan. Tinerminate ng GMA ang kontrata ng inakusahan, at hindi na rin siya muling kinuha o binigyan ng trabaho pagkatapos nito.
"Ngunit ang nilalaman ng formal complaint na inihain ni Gerald noong 2010 ay naiiba sa akusasyon niya ng rape na binanggit niya sa Senado. Ngayon lang din nakarating sa kaalaman ng pamunuan ng GMA ang bagay na ito.
"Nais ding linawin ng GMA ang naging pahayag ni Gerald na natanggal siya sa Network. Siya mismo ang humiling ng early release mula sa kanyang management contract noong 2010, na pinagbigyan ng GMA. Sa parehong taon ay agad din siyang lumabas sa ibang TV network. Dagdag pa rito, sumubok ding bumalik si Gerald sa GMA matapos ang kanyang kontrata sa TV5 noong 2013."
15-anyos siya nang mangyari
Hindi nagbigay ng iba pang detalye si Gerald tungkol sa ginawa umanong paghahalay sa kaniya ng musical director na nangyari nang kalahok pa lang daw siya at 15-anyos.
"2005 po nangyari at nilabas ko po ito noong 2010... I was only 15 that time so wala po talaga akong lakas ng loob...Contestant pa lang po ako noon and may power po talaga siya over us, over me kaya hindi ko po nasabi talaga agad," pahayag ni Gerald.
Hindi raw siya kaagad nagsampa ng reklamo dahil sa takot at kahihiyan.
Sabi pa ni Gerald, nagawa umano ng koneksyon ng musical director na maapektuhan ang kaniyang career.
Ayon kay Gerald, hiniling niya na pakawalan siya ng GMA Artist Center at pamahalaan ng GMA Network. Kinalaunan ay lumipat siya ng ibang TV network.
"Una kasi naming sinumbong ang aking reklamo sa GMA Artist Center and wala po silang action na ginawa. Sila po ang nagsasabi noon na mag-move on na lang," pahayag ni Gerald.
"Kaya po sabi namin ma-release ako sa GMA Artist Center at maging under na lang ng network baka maging better 'yung aking estado sa network," patuloy niya.
Nang tanungin kung nais niyang gumawa ng legal na hakbang laban sa inaakusahan niyang nang-abuso sa kaniya, sinabi ni Gerald na nais sana niya pero nangangamba siya sa mga posibleng mangyari.
“Dumating po talaga sa point na parang gusto ko na rin pong tapusin 'yung buhay ko kasi ako rin po ang breadwinner ng family ko. Hirap na hirap po talaga ako kung paano ko itataguyod ang family ko na napigilan po yung mga opporunities po sa akin,” saad niya.—mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News