Naglabas ng pahayag ang GMA Network, Inc. kasunod ng naging testimonya ng dating GMA Artist Center talent na si Gerald Santos sa Senate Committee on Public Information, na nagsasagawa ng pagdinig tungkol sa umano'y pang-aabuso at harassment entertainment industry:
Opisyal na Pahayag ng GMA Network
Naninindigan ang GMA Network laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso. Hindi kinukunsinti ng GMA ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga artista, personalidad, empleyado, independent contractors, at iba pang stakeholders nito.
Alinsunod dito ang naging aksyon ng Network matapos nitong matanggap ang formal complaint ni Gerald Santos noong 2010. Agad nagsagawa ng imbestigasyon at matapos nito ay agaran ding ipinatupad ng Network ang nararapat na parusa sa inakusahan. Tinerminate ng GMA ang kontrata ng inakusahan, at hindi na rin siya muling kinuha o binigyan ng trabaho pagkatapos nito.
Ngunit ang nilalaman ng formal complaint na inihain ni Gerald noong 2010 ay naiiba sa akusasyon niya ng rape na binanggit niya sa Senado. Ngayon lang din nakarating sa kaalaman ng pamunuan ng GMA ang bagay na ito.
Nais ding linawin ng GMA ang naging pahayag ni Gerald na natanggal siya sa Network. Siya mismo ang humiling ng early release mula sa kanyang management contract noong 2010, na pinagbigyan ng GMA.
Sa parehong taon ay agad din siyang lumabas sa ibang TV network. Dagdag pa rito, sumubok ding bumalik si Gerald sa GMA matapos ang kanyang kontrata sa TV5 noong 2013.
—FRJ, GMA Integrated News