Inilabas ni Niño Muhlach sa pagdinig ng isang komite sa Senado nitong Lunes ang palitan ng text messages ng kaniyang anak na si Sandro, at isa sa dalawang independent contractor na inaakusahan niya ng pagsasamantala. Ang dalawa, iginiit na hindi totoo ang bintang laban sa kanila.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee on public information and mass media, na pinamumunuan ni Senador Robin Padilla, kaugnay sa usapin ng sexual harassment sa industriya, dumalo ang dalawang inirereklamo ni Sandro na ina Jojo Nones at Richard Cruz.
Kasama ang kanilang mga abogado, mariing itinanggi ng dalawa ang paratang laban sa kanila, at iginiit na walang nagrereklamo sa kanila ng kahalayan sa tagal na nila sa industriya.
Kaya nakikiusap sila na huwag agad silang husgahan at hangad din nila na mabigyan din sila ng hustisya sa maling paratang umano na ibinabato laban sa kanila.
Samantala, inilabas naman ni Niño ang palitan ng text ng kaniyang anak na si Sandro at Nones bago mangyari ang umanong pang-aabuso sa binata niyang anak.
Madaling araw na umano nang unang mag-text si Nones kay Sandro. Bagay na sinabi ng abogado nito na hindi nila itinatanggi kung sino ang unang nag-text pero hindi raw inimbitahan ng dalawa si Sandro sa hotel room.
Saad sa palitan ng text:
- JOJO: Nabitin ako sa inom hahaha
- Sandro: Ako nga rin po eh
- JOJO: Yes, soon. ika-cast kita nagdi-direk ako now
- Sandro: Wow, sir. Looking forward to that too
- JOJO: Gusto mo ba? We have some alcohol here in the room. We can order some more
- Sandro: Sinu-sino po kayo, Sir? Hahaha
- JOJO: Kasama ko mga drama peeps but we're wrapping up in a bit.
- Sandro: Andyan pa ba kayo sir? Baka po puwede dumaan saglit.
- JOJO: Sure may kasama ka?
- Sandro: No po ako lang.
Ayon kay Niño, nang magkaharap sila noon nina Cruz at Nones, umiiyak na humingi umano ng patawad ang dalawa at nag-alok na magdo-donate umano ng pera sa mapipili niyang charitable institution.
Paliwanag naman ni Nones, humingi sila ng paumanhin pero wala raw silang ginawang masama kay Sandro.
Sa isang pagkakataon, humiling ng executive o private session sina Cruz at Nones nang nagtatanong na si Sen. Jinggoy Estrada ng ilang detalye tungkol sa insidente, na pinayagan ng komite.
Matapos ng executive session, sinabi ni Estrada na hindi nila maaaring sabihin ang pinag-usapan sa executive session pero may nakita umanong malakas na katibayan laban sa dalawa.
Tatanungin naman ni Niño kung papayag ang kaniyang anak na magbigay ng pahayag sa komite sa susunod na pagdinig kahit hindi personal na magtungo sa Senado o via video conference.-- FRJ, GMA Integrated News