Sinabi ni Niño Muhlach na nakararanas ng depresyon ang kaniyang anak na si Sandro dahil sa nangyari umanong pang-aabusong sinapit sa dalawang independent contractors ng GMA Network. Ang mga inirereklamo, apektado rin daw ang mga kalusugan dahil sa bintang, ayon sa kanilang abogado.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagtungo kaninang umaga sa Behavioral Science Division ng National Bureau of Investigation si Sandro, na sinamahan ng kaniyang ama na si Niño, upang sumailalim sa ilang pagsusuri.
 
Kaugnay pa rin ito ng isinampang reklamo ni Sandro na pagsasamantala o pang-aabuso laban sa independent contractors na sina Richard Cruz at Jojo Nones.

Sinabi ni Niño, na hindi pa rin maayos ang kalagayan ng kaniyang anak dahil sa nangyari.

"May depression ng konti, yung pagkain niya naapektuhan, yung pagtulog. Hopefully in the coming days sana mag-improve,"ayon sa veteran actor.

Nauna nang ikinuwento ni Niño sa pagdinig sa Senado na nakaharap na niya ang dalawang inirereklamo at humingi umano sa kaniya ng tawad.

"Actually nakaharap ko na ang dalawa eh and they apologized to me," sabi ni Niño.

Nang tanungin kung ang inihingi ba ng tawad ng dalawa ay ang tungkol sa alegasyon na ginawa kay Sandro, sabi ng aktor, "As to my understanding, yes."

Pero sa joint counter affidavit na isinumite ng dalawa sa NBI na dinala ng kanilang abogado, itinanggi nila ang alegasyon na pinagsamantalahan o inabuso nila si Sandro.

"At the onset naman sinabi naming there is absolute denial of all the allegations being accused of our clients," sabi ni Atty. Maggie Abraham-Garduque, abogado nina Nones at Cruz.

Apektado rin daw ang physical at mental health ng kaniyang mga kliyente dahil sa mga naglalabasang kuwento at pagpuna sa social media.

"This is very disheartening to them. Napakahirap para sa kanila na maakusahan nang ganito nang wala pa naman talagang kaso na isinasampa sa kanila. Pero sa social media parang hinatulan na sila," sabi ni Abraham-Garduque.

Hindi pa umano nakakapagdesisyon sina Nones at Cruz kung pupunta sa pagdinig ng Senate committee on public information and mass media na nais silang ipina-subpoena para obligahin na dumalo.-- FRJ, GMA Integrated News