Sa isang panayam, ibinahagi ni Pia Moran, na binansagan noon na "Miss Body Language," ang mga pagsubok na pinagdaanan niya sa buhay gaya ng pagkakasangkot sa aksidente at pagkakaroon ng "scandal."
Sa "Updated with Nelson Canlas" podcast, ikinuwento ni Pia kung paano siya binansagang "Miss Body Language."
“Nakikinig ako ng mga disco music, tapos narinig ko 'yung 'Body Language.' 'Yun, du'n ako nag-start, sinayaw ko 'yung 'Body Language' on my own. Then sa Channel 7 yata talaga ako nag-start mag-guest nu'n, mga Joe Quirino, du'n ako tinawag na [Miss] Body Language. Kaya ako nagkaroon ng tatak na Body Language," balik-tanaw niya.
Pero sa gitna ng kaniyang kasikatan, biglang nawala sa sirkulasyon ng showbiz si Pia. Ayon sa aktres, nasangkot siya sa aksidente at naapektuhan ang kaniyang mukha.
"Lesson sa akin 'yung gano'n. Hindi ko gustong mangyari 'yun. It's a lesson. Ayaw ko man mangyari pero nangyari. Pero hindi ko na ginawa. Natuto ko sa ginawa kong pagkakamali sa sarili ko," ani Pia na sinabing hindi niya kagustuhan ang nangyari.
Kasunod ng insidente, sinabi ni Pia na nagtago siya at nakaranas ng depresyon.
"Kaya lang nawala 'yung pagkasikat na sikat ko, kasi noong naaksidente ako, nagtago na ako, na-depressed talaga ako rito. Sabi ko sa isip ko, sa tagal kong nagtago, hinanap talaga ako... depress na depress ako," lahad niya.
"Nagkaroon ako ng scandal din dati noong araw. Nag-vice rin ako dati, na-experience ko lahat 'yan," pag-amin pa ni Pia.
Hinarap ni Pia ang mga problema na dumating sa kaniyang buhay.
"Noong naaksidente ako, siguro kasalanan ko, Lord. Patawarin mo na lang ako. Accept it," sabi niya.
"'Yung scandal, pagkakamali mo sa sarili 'yun. Ginawa mo 'yun. Hindi mo naman gusto ilabas 'yun, pero nangyari. Kapabayaan ko rin 'yun. 'Yung mga mali kong ginawa sa buhay, tinanggal ko na. At hindi ko na uulitin pa," sabi pa ni Pia.
Ayon pa sa aktres, kailangan na tanggapin ang pagkakamali at magbago muli rito.
"Kasi, siyempre, 'pag bata ka pa, may mga makakasama kang iba't ibang tao. Hindi ko [sinisi] sa ibang tao 'yung pagkakamali ko o nagalit ako. Kaya wala sa puso ko 'yung ganun eh," pagpapatuloy ni Pia.
Naniniwala si Pia, 61-anyos na ngayon, na nakatulong ang pagtanggap niya sa kaniyang pagkakamali sa halip na kimkimin ang sama ng loob kaya napanatili niya ang maayos niyang pangangatawan.
"So lahat tinanggap ko, lahat ng pagkakamali ko, hindi ko itinago. Kasi kung minahal ko 'yan at kinimkim ko, siguro hindi ganito hitsura ko," ayon pa sa aktres.
"Kaya siguro kahit na edad ko ganito, be yourself, maging totoo ka, tanggalin mo lang 'yung mga vice na attitude mong hindi magaganda. Tanggalin mo na sa life mo. Kasi I'm senior na. At least, you know, wala akong maintenance at may age," dagdag pa niya.
Hanggang ngayon, sinabi ni Pia na nakakapagsayaw pa rin siya.
Nagbalik-showbiz na rin si Pia at nakatakdang ipalabas ang kaniyang pelikula na "Lola Magdalena," na kasama sina Gloria Diaz, Liza Lorena, Perla Bautista, Sunshine Cruz, sa direksyon ni Joel Lamangan. -- FRJ, GMA Integrated News