Inihayag ng abogado ng dalawang independent contractors ng GMA Network na hindi sisipot ang kaniyang mga kliyente sa gagawing pagdinig ng komite ni Senador Robin Padilla kaugnay sa umano'y sexual harassment na ginawa sa isang artista ng nasabing network.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ni Atty. Maggie Abraham-Garduque sa isang pahayag, na nakatanggap ng imbitasyon sa komite ni Padilla ang kaniyang mga kliyente na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
Nauna nang inihayag ni Robin, chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na magsasagawa siya ng imbestigasyon tungkol sa usapin para malaman ang katotohanan.
Walang binanggit na mga pangalan si Robin nang ihayag niya ang gagawing imbestigasyon.
Pero nauna nang nagpadala ng reklamo si Sandro Muhlach, anak ng veteran actor na si Niño, sa GMA Network laban sa dalawang dalawang independent contractors ng network.
BASAHIN: Niño Muhlach sa sinapit ng anak na si Sandro: 'Our family has suffered so much'
“Hindi po natin sinasabi na may sabit dito ang GMA7. Hindi po. Ang sinasabi natin dito, kailangan magkaroon ng malinaw, malinaw na pagpapaliwanag sa committee ng mass media ang naganap na ito,” sabi ni Padilla.
May hiwalay na reklamo rin na inihain si Sandro laban sa dalawang nabanggit sa National Bureau of Investigation, na padadalhan na ng subpoena.
Ayon kay Garduque, nakatanggap ng imbestigasyon sa komite ng Senado sina Nones at Cruz, "to attend and join in the discussion on the 'Policies of Television Networks and Artist Management Agencies in Relation to Complaints of Abuse and Harassment.'"
"So, basically, the Senate will discuss the policies of TV networks and talent agencies on handling complaints," ayon kay Garduque. "Our clients are not [employees] of GMA Network or Sparkle Artist Center. Therefore, they do not have personal knowledge of the policies of said network and talent agency."
Idinagdag pa ni Garduque na nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang NBI tungkol sa reklamo laban sa kaniyang mga kliyente.
"They might be questioned during the senate hearing which may be tantamount to cross-examination during the trial of the case, which usually happens to an accused in court when our client has not even been indicted before the prosecutor's office for alleged sexual abuse being filed by Mr. Muhlach," paliwanag ng abogado.
Ayon sa "Fast Talk," sinubukan nilang makipag-ugnayan kay Sandro upang alamin kung dadalo siya sa pagdinig ng komite ni Robin pero wala pa siyang tugon.
Inihayag naman ng GMA Network na magpapadala sila ng kinatawan sa gagawing pagdinig.
Nauna nang sinabi ni Sandro na hindi siya ok matapos ang insidente "pero kakayanin ko po."
Sa nagdaang pahayag, sinabi naman ni Garduque na sasagutin ng kaniyang mga kliyente ang mga alegasyon sa tamang forum.
Hindi rin umano sumasalamin sa katotohanan ang mga naglalabasang impormasyon sa social media.--FRJ, GMA Integrated News