Mismong si Marian Rivera ang tumanggi na magkaroon ng "body double" sa pinagbibidahan niyang Cinemalaya film na "Balota."
"Sabi ko, 'Direk, ayoko, ayoko [ng body double]. Kaya ko naman, grabe naman kayo sa akin.' Sabi ko nga, 'Na-miss ko 'yung mga fight scene ko," saad ng Kapuso Primetime Queen sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.
Dahil may mga eksena na kailangan niyang gumapang o sumampa sa sasakyan, hindi naiwasan na magkagalos o sugat si Marian.
Ayon kay Marian, kahit na sinilip at nilinis ng crew ang lugar na kukunan ng eksena, wala na sa isip niya kung ano ang mangyayari sa kaniya kapag ginampanan na niya ang kaniyang karakter.
"Pag nag-eksena ka na, 'yung adrenaline mo sa pag-arte mo, parang hindi mo na iisipin kung...'Ay masusugatan ako.' Pag ganu'n ang inisip mo, parang hindi maganda 'yung kalalabasan," paliwanag niya.
Ayon kay Marian, natural at walang "filter" ang mga karanasan niya sa paggawa ng naturang pelikula.
"No filter talaga lahat eh. 'Pag sinabi kong no filter, hitsura, lines at mga ginagawa. Lahat talaga, raw," paliwanag niya.
Ang "Balota" ay idinerek ng award-winning filmmaker na si Kip Oebanda, na mapapanood sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, na magsisimula sa Aug. 2 hanggang 11.
Ang istorya ay tungkol sa labanan sa pagka-alkalde sa isang maliit na bayan ng isang land-grabbing tycoon at isang dating sexy actor.
Gagampanan ni Marian ang karakter ni "Emmy," na isang guro na magsisilbi sa eleksyon. Sa harap ng karahasan sa halalan, poprotekhan niya ang balota na naglalaman ng huling kopya ng election results.
Kasama rin sa "Balota," sina Sassa Gurl, Esnyr, Will Ashley, Royce Cabrera, Raheel Bhyria, Nico Antonio, Donna Cariaga, Joel Saracho, Sue Prado, Mae Paner, at Gardo Verzosa. — FRJ, GMA Integrated News