Ni-level up ng tatlong Kapuso hunks ang kanilang samahan na mula sa pagiging magkakaibigan na ngayon ay magkakasosyo na rin sa itinayo nilang restaurant sa Quezon City.
Kasama sina Prince Clemente, Migs Villasis at Kirst Viray sa anim na magkakasosyo sa "Mangan-tila" restaurant na makikita sa Scout Torillo.
Sa nakaraang episode ng "Pera Paraan," sinabi ni Kirst, na taga-Pangasinan, na ang "mangan-tila" ay salitang Pangasinense, na ang ibig sabihin ay "kain tayo."
Kaya naman kasama sa pagkaing inihahain sa restaurant ay mga putaheng Pangasinense.
Tulong-tulong daw sila, kasama ang iba pa nilang co-owner, sa pagkonsepto sa restaurant. Si Prince, mahilig sa mga Mediterranean dishes kaya naipasok niya sa menu ang chicken biryani.
Si Migs naman, naiambag ang baby back ribs at rib-eyed steak. Si Kirst naman ang nagkonsepto ng pigar-pigar at kaleskes, na lamang-loob ng baka na parang papaitan.
Hindi rin mawawala sa kanilang menu ang Bangus Dagupan sisig at Alaminos Longganisa.
Abala man sa kanilang showbiz career, tinitiyak nilang nilalaanan pa rin nila ng oras ang kanilang negosyo.
"Natuto akong mas hands on sa business. Nakikita ko po 'yung mga hindi ko pa alam like sa pagha-handle ng mga stuff, kung paano 'yung magandang service na mabibigay namin sa guests. Nandoon po 'yung saya kapag nakikita mo nagre-reflect 'yung ginagawa mo sa isang business," sabi ni Kirst.
"Ang learning ko is hindi araw-araw Pasko sa business. Talagang may buwan na malakas, may buwan na medyo mahina. Dapat talaga stay strong," sabi ni Prince.
Ayon naman kay Migs, "Dapat talaga hands on ka sa business mo, hindi 'yung iaasa mo lang sa staff mo, sa crew mo 'yung pagpatakbo ng restaurant. Kasi kapag ganoon po, hindi mo namamalayan nalulugi na pala 'yung restaurant mo." --FRJ, GMA Integrated News