Sa nalalapit na pagtatapos ng Kapuso action series na "Black Rider," may mga rebelasyon pa na magaganap at mayroong mga karakter na magbabalik. Gaya ni "Mariano," na ginagampanan ng veteran action star na si Phillip Salvador.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing malalaman na kung sino ang tunay na ama ng anak ni Vanessa [Yassi Pressman].
“Sino ba ‘yung tatay...? Actually hindi ko rin alam. Hindi pa nare-reveal sa amin kung sino ‘yung tatay. Pero abangan na lang natin. ‘Yun ang dapat nating abangan kasi may another DNA test na naman,” ayon kay Ruru na gumaganap na si Elias.
“May revisions din talaga na nangyayari po sa mga script natin. Binabasa ko na po ‘yung script, pero ‘yun nga, minsan nagkaka-revisions,” sabi naman ni Jon Lucas, na gumaganap na si Calvin, na gaya ni Elias ay may kaugnayan kay Vanessa.
Nagbabalik din sa serye ang mga karakter nina Romana, na ginagampanan ni Katrina Halili, at si Mariano, na karakter ni Phillip.
“Yes, I'm back. Romana is back. Nakakatuwa na kasali ako doon sa huling laban ng Black Rider at tutulong ako kay Elias. Happy, sobrang happy. Namiss ko sila,” ani Katrina.
Naalala naman ni Phillip nang piliin niya noon si Ruru na maging mentor sa show na ‘Protégé.’
“Ako happy ako talaga. I’m grateful na nagkasama tayo. Being your mentor sa ‘Protégé.’ Isipin mo 14 years old ito noong kinuha ko at sabi ko sa kaniya, ‘Magiging action star ka,’” pagbalik-tanaw ni Philip kay Ruru.
“Alam kong gagaling ka. Always be humble. Always look back where you came from. Ilapat mo palagi ang mga paa mo sa lupa. Hinding-hinding ka magkakamali sa patutunguhan,” dagdag na payo ni Philip kay Ruru. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News