Matapos ihayag ni Bea Alonzo sa isang panayam na hindi siya ang nagpasimula ng hiwalayan nila ni Dominic Roque, hiningan naman ngayon ng reaksyon tungkol dito ang aktor.

Sa panayam na ipinalabas sa GMA News 24 Oras noong nakaraang buwan, sinabi ni Bea na, "Hindi ako ang nakipag-break."

Hindi na inilahad ng aktres ang detalye tungkol sa nangyaring breakup nila ni Dominic, pero sinabi niyang maayos ang kanilang paghihiwalay.

"OK naman kami. I think it will be disrespectful to the relationship and to the other person to talk about it," sabi ng aktres.

Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GTV Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ni Dominic na patuloy ang kaniyang pagmo-move on matapos silang maghiwalay ni Bea.

"Moving on with everything," saad na binata na sinabi ring ginagawa niyang busy ang sarili sa trabaho at pamilya.

Ayaw na rin umano niya magpaapekto pa sa mga naglalabasang isyu tungkol sa hiwalayan nila ni Bea.

Nang hingan na ng reaksyon tungkol sa sinabi ni Bea na hindi siya ang nakipag-breakup, sagot ni Dominique, "Wala naman akong i-a-add."

Naging magkarelasyon ang dalawa noong January 2021, at naging engaged noong July 2023.

Nakatakda sanang gawin ang kasal nila ngayong taon, pero umugong ang usap-usapan na may problema sa kanilang relasyon. Hanggang sa makumpirma na nga ang pagwawakas ng kanilang engagement noong Pebrero. --FRJ, GMA Integrated News