Inilahad ni Gladys Reyes na 20 taon nang kasal kay Christopher Roxas na mahalaga ang intimacy at mapanatili ang kilig sa isang relasyon. May payo rin siya sa mga misis na dapat isuot kapag uuwi na si mister.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy sina Gladys at Christopher kung sang-ayon sila na si mister pa rin ang dapat na “nangangalabit” sa relasyon kahit 20 taon nang nagsasama.

“Eh ‘di ba first boyfriend ko siya, tapos siya na ‘yung naging asawa ko. Siyempre noong una nahihiya ka pa, antay-antay ka lang…” panimula ni Gladys.

Pero pagtagal na ng kanilang relasyon, sinabi ng aktres na “nangangalabit” na rin siya kung minsan sa kanilang relasyon.

“Siyempre 31 years na. Ako na rin minsan," natatawang sabi ni Gladys. "Bakit naman [hindi], asawa ko na ‘yan eh. First and last ko nga eh, bakit mahihiya pa ako?”

“Intimacy, napaka-importante sa pagsasama ng isang mag-asawa. Kailangang nandu’n pa rin ‘yung, kinikilig ka talaga, andoon ‘yung nae-excite ka pa rin talaga. Importante po talaga ‘yun,” dagdag pa ng aktres.

Ayon pa kay Gladys, mahalaga pa rin ang nag-aayos ng sarili para sa asawa o partner.

“As simple as, kung lagi kang komportable na nakapambahay ka, butas-butas ang pambahay mo… ‘pag pauwi naman ‘yung asawa mo, medyo magpalit ka naman, hindi naman kailangang mahal, pero something na medyo, hindi pantulog, panggising,” sabi ni Gladys.

Inilahad din ng couple kung paano nila trinabaho ang tagal ng kanilang pagsasama.

“For me, alam lang namin ‘yung gusto namin sa buhay, gusto namin sa pagsasama namin. Tinitingnan lang namin parati ‘yung maganda,” sabi ni Christopher.

Pagsegundo ni Gladys, malaking bagay din ang pagkakapareho ng pananampalataya. Sina Gladys at Christopher ay mga kapatid sa Iglesia ni Cristo.

“Prayers, patience, partnership. And to also respect each other’s individuality,” ani Gladys.

Sa Fast Talk segment, sinabi ni Gladys na “forever” niya si Christopher dahil ito ang kaniyang “answered prayer.”

Si Christopher naman, sinabing si Gladys at ang kanilang pamilya “ang buhay ko.”

Ikinasal sina Gladys at Christopher noong Enero 23, 2004. Bago ikasal, 11 taon na muna silang magkarelasyon.

May apat silang anak: Sina Gian-Christopher, Gianna Aquisha, Grant-Carlin at Gavin-Cale.-- FRJ, GMA Integrated News