Inihayag ni Barbie Forteza na kahit naging hamon sa relasyon nila ni Jak Roberto ang "quality time" dahil sa pagiging busy sa trabaho, sinabi ng aktres na full support sa kaniya ang nobyo, maging sa tambalang "BarDa" nila ni David Licauco.
    
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inilahad ni Barbie na isa sa mga pinakahamon sa pitong taon nilang relasyon ni Jak ang “quality time.” Nakaramdam din daw siya ng kaunting guilt feeling nang kinailangan niyang isantabi muna ang oras para kay Jak nang pumatok ang tambalan nila ni David.

“Especially noong na-busy and siyempre, nakaramdam ako ng kaunting guilt towards him because, I have to admit, hindi naman ito bago, I have to set him aside kasi nag-pick up ang BarDa,” sabi ni Barbie.

Sa kabila nito, naging matatag si Jak at naging masaya sa tagumpay ng BarDa love team.

“He really took it lightly. He was very proud of me, very happy for me. Siya nga ‘yung laging nagyayaya na mag-celebrate, iti-treat niya ako kapag may bago akong endorsement with David, or kapag may bago akong show with David. Talagang he sees to it na magsele-celebrate kami, iti-treat niya ako, ide-date niya ako,” ani Barbie.

“Very secure siya sa sarili niya. He lets his woman shine, kahit not with him,” sabi pa ng aktres.

Tinanong ni Tito Boy kung magkaibigan sina Jak at David.

“Sabi nila,” natatawang biro ni Barbie. “Hindi naman sila nag-uusap. But I guess they’re good.”

Matatandaang unang pumatok ang BarDa tandem sa Maria Clara at Ibarra. Matapos nito, nagkasama sila sa ilan pang proyekto, gaya ng unang lead role nila na "Maging Sino Ka Man."

Magkasama rin sila sa upcoming drama war series na Pulang Araw, at pelikulang “That Kind of Love” na ipalalabas sa Hulyo 10.-- FRJ, GMA Integrated News