Nakatakdang magtanghal sina Josh Cullen ng SB19 at Zack Tabudlo bilang mga representative ng Pilipinas para sa gaganaping ROUND Festival sa South Korea.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing makakasama ni Josh mag-perform ang ilang Pinoy at iba’t ibang artist mula sa ASEAN countries.

Sinabi ni Josh na excited na siya at kinakabahan dahil unang beses niyang mag-represent sa nasabing malaking event.

Nagpapasalamat si Josh sa pagbibigay sa kaniya ng opportunity na ito.

“I'm excited to share our stage with our friends from ASEAN and Korea. We also prepared a special collaboration stage for all of you,” mensahe ni Josh sa kaniyang Instagram.

Dalawang araw ang event, na gaganapin sa KBS Busan Hall mula Hulyo 6 hanggang 7.

Base sa anunsyo ng ROUND Festival, magtatanghal si Josh ng 7:30 p.m. sa Hulyo 6, samantalang 8 p.m. naman si Zack sa Hulyo 7.

Ang ROUND Festival ang ASEAN – Korea Music Festival project na layong isulong ang pakikipagtulungan ng South Korea at ASEAN countries sa pamamagitan ng popular music.

Ilan pa sa mga kasaling bansa ang Myanmar, Brunei, Vietnam, Singapore, Cambodia, Malaysia, Indonesia, Thailand, and Laos. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News