Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ang Kapuso actress na si Jean Garcia kung single ba siya ngayon.

“Yes. Very much,” tugon ng aktres na kasama sa bagong Kapuso hit series na "Widows’ War."

Sinundan ni Tito Boy ang tanong kung nami-miss ba ni Jean ang ma-in love.

“Parang hindi,” sabi ni Jean. “Sorry Kuya Boy, I’m just being honest. Parang mas masaya akong mag-isa. Mag-isa na kasama ang mga anak ko.

Ayon pa sa aktres, mas kuntento na siya na wala siyang inaalagaan at walang problema sa usapin ng pag-ibig.
 
“Hindi ko alam kung nakasanayan na lang or siguro mas tinanggap ko na lang. Kasi ayoko na ulit masaktan,” sabi pa ni Jean.

Ayon kay Jean, masaya siya ngayon sa piling ng kaniyang pamilya at mga kaibigan na masasabihan niya ng mga problema, at tanggap na niya kung sakaling hindi na muling darating pa ang pag-ibig.

“Saka hindi na ako ‘yung sa hindi ako ready or I’ll find the right person. Kung darating, darating. Pero kung hindi, it’s okay. Because I am happy with the people na, ‘yung mga kaibigan ko na trusted ko, my ‘person’ na kaibigan ko na puwede akong mag-vent out. My family, my children, may apo na ako, dalawang babae,” paliwanag niya.

Dagdag pa ng aktres, masaya siya ngayon "because I love myself.”

“Hindi ko naman sinasabi na hindi ako magkakamali ulit, pero ngayon mas natuto talaga at mas binabalikan ko ‘yung mga past na nangyari sa akin. Kaya siguro better person, mas strong, mas mahal ang sarili,” ayon pa kay Jean.

Napapanood si Jean bilang ang kontrabidang si Aurora Palacios sa Widows’ War, na pinagbibidahan nina Bea Alonzo at Carla Abellana.-- FRJ, GMA Integrated News