Napanood agad sa isang maaksyong eksena ang Korean actor na si Kim Ji Soo, na nagdebut bilang isang Filipino-Korean assassin sa Kapuso action series na “Black Rider.”

Sa eksena, dumating si Kim Ji Soo, bilang si Adrian Park, na sakay ng isang motorsiklo. Matapos nito, bago inayos niya ang kaniyang sniper equipment at minamanmanan ang isang drug transaction.

Pero nakita siya ng kaniyang mga target, na humantong sa matinding bakbakan.

Sa susunod na episode, ipinakita si Ji Soo na sinasamahan ang karakter ni Yassi Pressman na si Vanessa sa isang fishball cart.

Kung seryoso si Kim Ji Soo sa kaniyang karakter, sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakikipagkulitan ang Korean actor sa production staff.

Kabilang sa mga nagawang proyekto sa Korea ni Kim Ji Soo ang ilang K-drama series gaya ng "Strong Girl Bong Soon" at "Moonlight Lovers: Scarlet Heart Ryeo."

Samantala, ipinakilala na rin ang karakter ni Jak Roberto na si Moises, na isang laking kalye kaya magaling dumiskarte.

Napapanood ang "Black Rider" na pinagbibidahan ni Ruru Madrid sa GMA Prime ng 8 p.m. pagkatapos ng "24 Oras."-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News