Nahuli-cam kamakailan sina Kyline Alcantara at Kobe Paras na magka-HHWW o holding hands while walking sa isang parking lot sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing isang netizen ang nakakita kina Kyline at Kobe na nanggaling umano sa isang bar nitong Miyerkules.

BASAHIN: May namamagitan nga ba kina Kyline Alcantara at Kobe Paras?

Minsan nang natanong si Kyline tungkol kay Kobe at sinabi ng aktres na magkaibigan lang sila.

"We are friends and whatever is happening is happening. I don't know, I feel like I'm not in a position to say anything about it," anang Sparkle artist, na nagsabi rin na masaya siya ngayon.

Nitong nakaraang buwan nang mapansin ng netizens ang mga larawan nina Kobe at Kyline na tila kuha sa isang restaurant sa Makati sa magkaparehong araw.

Sumunod namang napansin ng netizens ang pagkomento ni Kobe ng heart-eyed emoji sa mga post ng aktres.

Dating naugnay si Kobe kay Erika Poturnak, na anak ng aktres na si Ina Raymundo.--FRJ, GMA Integrated News