Kinumpirma ni Rafael Rosell na kasal na siya sa matagal na niyang nobya na si Valerie Chia. Ang kasal, ginawa sa paborito nitong petsa.

"I ask you today. Yes or no, are you married?" tanong ni Tito Boy kay Rafael sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.

"Yes," tugon ni Rafael.

Ayon kay Rafael, kasal na sila ni Valerie mula pa noong 2020.

"It's a tough job. Pero it's something we decided noong 2020. We signed the papers just between us noong April 20, 2020. Very quiet and because that's our favorite number talaga," anang aktor.

"It was on the onset of COVID. We wanted 4/20/20 since it's a special date and special number for us. Nagkataon lang talaga na nagka-COVID pandemic noong time na 'yun but we decided to still push through," pagpapatuloy niya.

Inilahad ni Rafael na dahil sa pandemya, hindi na nila naisagawa ang kasal, kundi ang pagpirma na lamang ng mga papeles.

"All the way til April, naka-on pa rin 'yung wedding invitations until we decided mid-April to cancel na talaga, kasi naka-mask na lahat, extreme lockdown. Hindi na namin tinuloy 'yung ceremony but the signing of the papers, tinuloy," saad ng "Widows' War" actor.

Sa kabila nito, pinaplano pa rin nina Rafael at Valerie na magkaroon ng seremonya ng kasal.

"Eventually, kasi na-realize rin namin na 'yung ceremony is for everyone, for us, we're happy the way it is talaga. So I think we owe them pakain," sabi ng aktor.

Bihirang mag-I love you

Pag-amin din ni Rafael, tila nahihirapan siyang sabihin ang mga salitang "I love you" pagdating kay Valerie.

"It used to be so easy for me to just bitawan ang 'I love you' na three words sa partners ko. Pero rito sa relationship ngayon, ang hirap sabihin ng totoong nararamdaman mo. Like when you feel something so intense, ang hirap palang sabihin sa totoong buhay, kasi totoong totoo eh," sabi niya.

"Between us, we don't usually just say I love you. It's, parang alam ko na eh without your saying it," dagdag ng aktor.

Sa kabila na tunay ang pagmamahal na nararamdaman nila sa isa't isa, sinabi ni Rafael na may parteng nahihiya sila ni Valerie na magsabihan ng "I love you."

"Sa amin, nabanggit namin at least once or twice. Pero alam mo 'yung, nakakahiya," natatawa niyang sabi. "We're very expressive, we're very malambing. And deep inside we barely have to express, we know na kasi eh. So, it's weird."

"When I realized I was in love with her, it was like 'Oh no. Guys, I think I'm in love, this is gonna be hassle, alam ko na isa-sacrifice 'yung kaligayahan ko para sa kaniya, 'yung mga kagustuhan ko, alam ko na mas ibibigay ko sa kaniya. So mas hassle talaga, kasi wala eh, love mo na eh," sabi ni Rafael. -- FRJ, GMA Integrated News