Ikinuwento ng dating Viva Hot Babes member na si Sheree ang peligro sa kanilang trabaho laban sa mga nananamantala.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi ni Sheree na may nakaengkwentro siyang manghihipo noon sa dinaluhan na isang festival.
 
"Parang 'yung naunang artist sa amin, naunang artist, hinawakan. Tapos nakita ko," saad ng aktres. "Eh nung nakita ko gusto pa niyang hawakan 'yung [katawan ko] so nung pagdating niya sa akin hindi na niya natuloy."

"Sinampal ko Tito Boy, nabasag 'yung bracelet ko sa mukha nung [manghihipo]," sabi ni Sheree na napapanood ngayon sa Kapuso series na "Black Rider."

Kasabay ni Sheree na bisita sa "Fast Talk" ang kapuwa Viva Hot Babes member na si Katya Santos, kung saan ibinahagi nila ang kanilang buhay noong kainitan ng kanilang grupo, at buhay nila ngayon.

Bukod kay Sheree at Katya, kabilang din sa grupo ng Viva Hot Babes sina Maui Taylor, Andrea Del Rosario, Gwen Garci, Jen Rosendahl, at iba pa. Bukod sa pag-arte, nakagawa rin ang grupo ng mga kanta, kabilang ang "Bulaklak," "Kikay," at "Basketbol." —FRJ, GMA Integrated News