Dahil spin-off mula sa “Widows’ Web” at “Royal Blood” ang upcoming series na “Widows’ War,” tinanong si Bea Alonzo kung may mga karakter sa dalawang naunang serye na posibleng mapanood sa bagong Kapuso murder-mystery drama series.

“Definitely may crossover. I'm very excited about it,” sabi ni Bea sa panayam sa kaniya sa GMA show na "Unang Hirit."

Ayon kay Bea, ang Widows’ War ang third installment ng mga naunang nabanggit na series.

“Tungkol ito sa isang prominenteng pamilya na may mining business. At kaming dalawa ni Carla Abellana used to be best friends. Papasok kami sa pamilyang ito dahil mapapang-asawa namin ‘yung magpinsan, played by Benjamin Alves and Rafael Rosell,” anang Kapuso star.

“Siyempre dahil murder mystery drama, may mamatay, at sino ang killer,” pagpapatuloy ni Bea.

Unang beses niya raw na gumawa ng isang murder mystery drama na genre.

"Isa to sa mga characters na gagawin ko sa telebisyon na may twist. 'Yung character hindi siya mabait, hindi rin naman salbahe, its a gray character, human," paliwanag niya.

Unang beses din ito ni Bea na makakatrabaho si Carla.

“Yes, first time. Minanifest (manifest) namin ito kasi nu’ng nag-guest siya sa vlog ko, talagang kaming dalawang parang, ‘Kailan kaya tayo magkakatrabaho?’ And finally it's happening. And we're happy na ganitong klaseng storya ‘yung pagsasamahan namin. Kumbaga hindi ‘yung normal naming ginagawa na drama or love story,” kuwento niya.

Magsisimula nang mapanood ang Widows’ War sa Hulyo 1 sa GMA Prime.-- FRJ, GMA Integrated News