Sa Instagram post, inihayag ng aktor na si Sam Milby na mayroon siyang Type 2 Diabetes.
Nag-post ng larawan si Sam ng kaniyang blood sugar glucose test kit results, at inihayag na noong nakaraang taon na-diagnosed na taglay niya ang Type 2 Diabetes.
“I've always thought of myself as a healthy person. I don't have a sweet tooth, bihira din mag junk food, pero last year I found out na may type 2 diabetes na ako,” saad ni Sam, na inihayag din na walang ganoong kondisyon ang kaniyang mga magulang at grandparents.
“I just wish I got checked up earlier nung pre diabetes pa,” dagdag pa ng 40-anyos na aktor.
Pagbahagi ni Sam, bago natuklasan ang kaniyang sakit, naramdaman niya na madalas siyang uhaw at madalas na umihi.
Kaya pinayuhan ng aktor ang kaniyang followers na huwag babalewalain ang mga sintomas at magpakonsulta nang regular.
Batay sa World Health Organization (WHO), ang Type 2 diabetes ay karaniwang nakikita sa "adulthood," ay iniuugnay sa obesity, physical inactivity at unhealthy diets.
Tinatayang 90% ng diabetes cases sa mundo ay Type 2 diabetes, ayon sa WHO.
Ayon sa National Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases, ilan sa sintomas nito ay ang madalas na pagkauhaw, madalas na pag-ihi, madalas magutom, nakakaramdam ng pagod, lumalabo ang paningin, pamamanhid at tingling feeling sa paa at kamay, at pagbaba ng timbang.
Kamakailan lang, naging usap-usapan si Sam at ang kaniyang fiance na si Catriona Gray, makaraang burahin ng beauty queen ang kanilang engagement photo sa Instagram.
Kasunod nito ay naglabas ng pahayag ang Cornerstone Entertainment, ang talent agency nina Catriona at Sam, na nagsasaad na humaharap sa "ilang pagsubok" ang relasyon ng dalawa.
Taong 2020 nang isapubliko ng dalawa ang kanilang relasyon. Naging engaged sila noong 2023, at planong magpakasal ngayong 2024.—FRJ, GMA Integrated News