Inihayag ng mga komedyanteng sina Petite at Divine Tetay na masaya sila na nagbabalik na muli ang mga comedy bar na nagsara nang magkaroon ng pandemic.
"Nagpapasalamat kami Tito Boy kasi parang bumabalik na siya ulit. Kasi nawalan po kami ng tahanan, Punchline and Laffline closed so until 'yun nga pandemic happened. Now nagkakaroon na kami ng napupuwestuhan namin and soon mag-o-open yung isang bagong bagong bahay ng komedya ang Vice Comedy Club," ani Tetay sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes.
Ang Vice Comedy Club ay pagma-may-ari umano ni Vice Ganda.
Bukod kay Vice, inihayag din ng dalawa ang kanilang mga idolo sa comedy bar gaya ni MC, isa sa tatlong Beks Battalion member at isa sa "It's Showtime" co-host.
"Kapag kasama ka niya, hindi puwedeng hindi ka mag-moment. OK lang si MC na hindi mag-moment, basta ‘yong kasama niya mag-moment," paliwanag ni Petite.
Saludo rin ang dalawa sa stand-up comedian at actor na si Negi.
“Kahit hindi lang set. Like sa raket. Kasi minsan may mga ibang performers na OK kayo sa set, sa stage. Pero kapag may mga private na event o hosting, doon sila magpapaandaran ng ano... ng parang ‘ay bakit ganon?’ Yung minention ko po lahat, promise kahit saan kayo magkatrabaho, mapa-TV man o stage lahat sila susuporta sayo,” paliwanag ni Divine.
Kasama rin sa listahan nina Tetay at Petite sa kanilang mga idolo si TV host na si Donita Nose, na inilarawan nilang "sobrang husay.”
Inilahad din ng dalawa kung magkano ang pinakamalaking halaga ng tip na kanilang natanggap sa kanilang pagiging standup comedian sa comedy bar. Alamin sa video. — FRJ, GMA Integrated News