Apat na taon na ngayon sa kanilang relasyon, inilahad ni Enzo Pineda na idinaan niya noon sa dasal ang kaniyang pagtatapat ng pag-ibig kay Michelle Vito. Sa kasal na nga ba patungo ang dalawa?

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, ikinuwento ni Enzo na una silang nagkita ni Michelle sa isang fashion show, ngunit may kaniya-kaniya pa silang karelasyon noon.

Kalaunan, nagkatrabaho sila sa isang teleserye, at dito umusbong ang kanilang pag-iibigan.

Kuwento ni Michelle, unang nagsabi si Enzo ng "I love you" noong nag-date sila para sa Valentine's Day.

"Paghatid niya sa akin after ng date, nag-'I love you' ako sa kaniya tapos akala niya kami na. Kasi raw nag-'I love you' na raw ako," ani Michelle.

Para kay Enzo, ito na ang kumpirmasyon ni Michelle sa kanilang relasyon. Ngunit iba ang kahulugan nito para kay Michelle.

"Hindi po," tugon ng aktres.

"Nag-pray pa ako. 'Lord, thank you so much for this wonderful day. Salamat na binigyan mo ako ng opportunity with Michelle na mag-date kami dahil mahal ko itong taong ito,'" kuwento ni Enzo kung paano siya nagtapat ng pag-ibig kay Michelle.

"Before dinner, nag-prayer kami. Kinonfess (confess) ko 'yung love ko sa kaniya through prayer," dagdag ni Enzo.

Tinanong ni Tito Boy kung sinagot na siya ni Michelle.

"Noong time na 'yun hindi pa po. Ang reaction ko lang, (napalingon) 'Hmm?,'" natatawa nitong sabi.

Patungo na sa kasal?

Sa parehong panayam, binigyan ng pagkakataon sina Enzo at Michelle na itanong ang mga hindi pa nila naitatanong sa isa't isa.

"Five to 10 years from now, saan mo nakikita ang 'yung relationship natin?" tanong ni Michelle sa nobyo.

"Five to 10 years from now, siyempre kasal na tayo noon. And of course I want to have children of our own, depende sa 'yo kung ilan ang gusto mong dami pero ako, nakikita ko around three to four kids," tugon ni Enzo.

"Nakita ko, hindi tayo sa Manila tumitira. Sa probinsya where mas tahimik ang buhay, less populated, less pollution as well," dagdag ni Enzo.

Tinanong naman ni Enzo kung ano ang rating ni Michelle sa pagmamahal ng dalaga sa kaniya.

"Dahil bati tayo ngayon, hindi tayo magka-away," biro ni Michelle.

"Ten (10) siyempre. Kahit naman noong nag-aaway tayo, nari-realize ko 'yun na minsan ayoko na. Pero kapag nagtagal kasi doon ko nari-realize na, 'Ay hindi, gusto ko siya sa buhay ko,' gusto kitang kasama. So kahit mag-away tayo ilang beses, 'yung love ko sa 'yo 10 talaga."

Ayon sa ulat ng pep.ph, kinumpirma ni Enzo ang relasyon nila ni Michelle noong 2020.-- FRJ, GMA Integrated News