Humingi ng tawad ang mga social media personality na sina Rosmar Tan at Rendon Labador sa lokal na pamahalaan ng Coron, Palawan matapos nilang makipagtalo sa isa sa mga staff ng mayor ng bayan.
Nitong Lunes, nag-upload si Rosmar ng isang video kasama ang kapatid na si Marki, Rendon at kanilang team na humihingi ng paumanhin kasunod ng insidente.
"Andito po kaming lahat para humingi ng dispensa sa nangyari. Alam po namin, mali po 'yung ginawa namin. Sumobra po kami sa actions na nagawa namin and humihingi po kami ng dispensa gawa ng nagpadaan kami sa emosyon. Tao lang din po kami, nagkakamali po kami and ina-admit din po namin ang pagkakamali namin," ani Marki.
Humingi rin ng tawad si Rosmar sa nakaaway na staff ni Coron Mayor Marjo Lopez na si Jho Cayabyab Trinidad, pati na sa mga residente ng Coron.
"Pasensya na po kay Ma'am Jho, sa munisipyo, at lalong-lalo na kay Mayor at siyempre sa bayan ng Coron, Palawan. Sorry po talaga na parang pinost ko na 'Never Again Coron.' Hindi ko po sinasadya na i-generalize po kayo," anang vlogger.
"Nagpadala po ako sa bugso ng damdamin, at 'yon po ang pinakamaling nagawa ko at humihingi po ako ng tawad. Alam ko pong pagkakamali ko po 'yon. Sana po mapatawad niyo po ako," dagdag niya.
Samantala, nilinaw naman ni Rendon na inilahad nila ang kanilang mga saloobin sa munisipyo, hindi bilang mga celebrity o influencer, kundi mga Pilipinong nasaktan sa insidente.
Ayon pa kay Rendon, magsisilbing aral ang insidente para mapagbuti pa ng team ang kanilang mga sarili. Dagdag niya, hindi naman makahahadlang ang insidente sa pagtulong nila sa mga kapwa Pilipino.
"Susubukan po naming baguhin kung ano man po ang pagkakamali namin. Tingin po namin na ito po ay magiging lesson sa amin as a team. We will be better. Babawi po kami," anang fitness instructor.
"Hindi po ito magiging hadlang sa advocacy namin na makatulong at makapagbigay ng inspirasyon sa mga taong nangangailangan," pagpapatuloy ni Rendon.
Kaungay ng posibleng pagdeklara ng personal non-grata ng Coron LGU laban sa kanila, sinabi ni Rosmar na tatanggapin nila anuman ang maging desisyon nito.
"Kung tingin niyo 'yon po talaga, maluwag po naming tatanggapin 'yong parusa niyo po na 'yon," ani Rosmar.
Humingi rin ng tawad si Rendon kay Trinidad at kay Mayor Lopez dahil sa kaniyang mga inasal.
"Mayor, wala po akong masamang intensyon para i-disrespect. Nire-respeto ko po kayo bilang leader ng Coron. Saludo po kami sa lahat ng inyong nagawa," saad ni Rendon.
Ipinagtanggol din ni Rendon si Rosmar, at hiniling na huwag na itong isali sa "persona non-grata" status.
"Ako na lang po sana ang tatanggap ng persona non-grata dahil nakita ko po ang sinseridad ng mag-asawang Nathan at Rosmar sa pagtulong. Sana ako na lang po ang bigyan niyo ng persona non-grata," saad ni Labador.
Sa kabila nito, humingi si Rendon ng "last chance" na mabisita ang Coron dahil pangako niyang dadalhin ang pamilya sa Palawan.
Inihayag nina Rosmar at Rendon ang kanilang paumanhin matapos ibahagi ni Coron municipal council member John Patrick Reyes ang draft ng isang resolution na magdidiklera sa dalawa bilang mga persona non-grata sa Coron, matapos ang kanilang mainit na pagtatalo kay Trinidad.
Ayon kay Trinidad, ginagamit lang umano nina Rosmar at Rendon ang kanilang mga tao para sa kanilang vlog.
Base sa draft ng resolution, ang mga ikinilos ni Rendon ay "disrespectful, inappropriate, and a blatant disregard for proper decorum," samantalang si Rosmar naman ay nagdulot ng "undue distress and embarrassment to the mayor's staff and were seen as reflecting negatively on the office she represents."
Kapag nadeklarang persona non-grata ang isang indibidwal, hindi na siya papayagang makapasok sa isang lugar. — VDV, GMA Integrated News