Nagsalita na si Bea Alonzo upang linawin ang maling akala ng iba sa nangyaring hiwalayan nila ni Dominic Roque.

Sa panayam ni Nelson Canlas para sa GMA Integrated News, sinabi ni Bea na naapektuhan siya sa mga maling kuwento na kumakalat tungkol sa kaniyang buhay.

BASAHIN: Xian Lim sa hiwalayan nila ni Kim Chiu: 'I wasn't the one who initiated the breakup'

"Hindi ako ang nakipag-break," giit ni Bea pero hindi na niya ito idinetalye.

"Let's leave it in the past. It's amicable. OK naman kami. I think it will be disrespectful to the relationship and to the other person to talk about it," sabi pa ng aktres.

"It's a very sensitive topic. And gusto kong bigyang ng respeto at gusto kong iwan sa magandang paraan what we had," patuloy ni Bea.

Enero 2021 nang magkaroon ng relasyon sina Bea at Dominic . Naging engaged ang dalawa noong July 2023, at nakatakda sanang magpakasal ngayong taon.

Pero nitong nakaraang Pebrero, inilahad ni Boy Abunda sa kaniyang programang "Fast Talk With Boy Abunda" na naghiwalay na ang dalawa batay sa kaniyang mga mapagkakatiwalaang sources.

Hindi nagtagal, naglabas na rin ng opisyal na pahayag sina Bea at Dominic para kompirmasyon na tinapos na nila ang kanilang engagement.

Gayunman, hindi sinabi nina Bea at Dominic kung ano ang dahilan ng kanilang breakup.

Bibida si Bea sa upcoming GMA Prime series "Widow's War", kasama si Carla Abellana. —FRJ, GMA Integrated News