Hindi itinago ni Xian Lim na nasaktan siya sa mga maling akusasyon at kasinungalingan na ibinabato umano laban sa kaniya matapos ang hiwalayan nila ni Kim Chiu.

Sa panayam ni Nelson Canlas ng GMA Integrated News, sinabi ni Xian na naging bukas siya noon at hindi niya ipinagdamot sa publiko ang kaniyang pribadong buhay mula nang pasukin niya ang showbiz.

Kaya naman nauunawaan daw niya ang damdamin ng ibang tayo sa kinahantungan ng relasyon nila ni Kim.

BASAHIN: Kim Chiu at Xian Lim, kinumpirmang hiwalay na sila

Kung nasaktan ang ibang tao sa paghihiwalay nila ni Kim, ganoon din umano sila dahil nauwi sa hindi nila inaasahan ang kanilang relasyon na tumagal ng 12 taon.

Gayunman, aminado si Xian  na nasaktan siya sa mga lumabas na akusasyon laban sa kaniya at nadamay pati ang mga mahal niya sa buhay.

"It's gotten out of hand na and that's just the painful part of it," anang aktor. "Sasabihin nila na nag-iingay si Xian because may pelikula, no."

"I do not deserve the false accusations, the lies being spread," patuloy niya.

May mga pagbabanta pa raw siyang natanggap, nadamay din umano pati ang kaniyang ina at lola, na pinapadalhan ng mga mensahe.

"I'm getting death threats, my mom is getting death threats that's the gravity of situation I'm dealing with na," sabi ni Xian. "My family does not deserve that."

Kamakailan lang, pinabulaanan ni Xian na kasal na sila o nagsasama ng kaniyang girlfriend ngayon na si Iris Lee.

Kinumpirma ni Xian ang relasyon nila ni Iris pero nilinaw niya na nagsimula silang mag-date ng dalaga nang maghiwalay na sila ni Kim.

Gayunman, nilinaw ni Xian na maayos ang paghihiwalay ni Kim noong nakaraang taon, at bukas siyang makatrabaho ang aktres "in time."

Bibida si Xian sa upcoming movie na "Playtime" kasama sina Sanya Lopez, Coleen Garcia, at Faye Lorenzo.  —FRJ, GMA Integrated News