Humingi ng paumanhin si RR Enriquez sa ginawa niyang “pag-agaw” noon kay Jayjay Helterbrand mula sa ibang babae. Ayon sa TV personality, pinagsisisihan niya ang kaniyang ginawa at hindi siya proud.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, sinabi ni RR na may ibang nobya si Jayjay noon bago sila nagkaroon ng relasyon.

“Si Jayjay talaga, aminado naman siya, playboy po talaga siya. Before niya akong maging girlfriend, meron siyang girlfriend talaga,” saad ni RR.
 
Pero nang maging Christian siya, sinabi ni RR na napagtanto niya na mali ang kaniyang ginawa at nag-sorry sa babae.

Ayon kay RR, magkaibigan na sila ngayon ng ex-girlfriend ni Jayjay, na kilala rin ni LJ Moreno, na guest din sa programa ni Tito Boy.

“So I’m not proud, hindi ako proud,” pag-amin ni RR sa ginawa niya noon.

“I apologized. Kasi siyempre bata, hindi ka nag-iisip. Naagawan din kasi ako ng jowa dati Tito Boy. Kaya sabi ko ‘Ah ganu’n ah, agawan pala ng jowa ang mangyayari ha.’ Ganu’n po ang ginagawa ko dati. Hindi ako proud, pero ganu’n po ‘yung naging thinking ko,” sabi niya.

Labing-limang taon na ngayon ang relasyon nina RR at Jayjay. Pero sinabi niya na nalagay sa alanganin ang unang dalawang taon ng kanilang relasyon.

“‘Yung first two years namin medyo rocky ‘yung relationship namin. Tapos naging Christian si Jayjay. Kaya nagtagal kami ng 15 years kasi sobrang, tumino naman,” natatawa niyang sabi.

Sabi pa ni RR, tumatahimik naman siya kapag nagiging seryoso na masyado si Jayjay.

“Si Jayjay sobrang happy siya na ako ‘yung girlfriend niya kasi parang ang dami ko raw personality. Exciting,” matatawa pang sabi ni RR.-- FRJ, GMA Integrated News