Ibinahagi ni Sandy Andolong na minsan din sinubok ang pagsasama nila ng kaniyang mister na si Christopher de Leon na mahigit 40 taon na niyang kasama sa buhay.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ng aktres na minsan niyang nilayasan ang kaniyang asawa.

"There was a time I left him. We had two boys that time si Rafael and Miguel. I left the house kasi parang ang chaotic. It was too much already. It was beginning to have a really bad effect on my two children at that time. So I left Christopher," saad ni Sandy.

"Nagulat si Christopher, pag-uwi niya, wala na ako," dagdag niya.

Nang umalis siya ng bahay, sinabi ng aktres na nanatili siya sa kumbento ng isang linggo para magdasal "and asking God for direction."

Matapos ng naturang pangyayari, nagpasya umano si Christopher na "isuko" na ang kaniyang buhay kay Hesus.

"Nag-LSS (Life in the Spirit Seminar) kami together because he kept telling me, 'No, I want this to work. I don't want to lose you. I don't want to lose the boys. I want to have a complete family,' kasi he comes from a broken family, I came from a broken family, I have an absentee father at that time. So ayun, nag-Oasis kami. That's when things settled down na," pagbahagi ng aktres.

Magkarelasyon sina Christopher at Sandy mula noong 1980, hanggang sa ikasal sila noong 2001. Ipinagdiwang nila ang kanilang 42nd anniversary noong 2022.

Sa Halong Bay sa Vietnam nag-renew ng kanilang "vows" sina Sandy at Christopher noong 2019. May lima silang anak na si Rafael, Miguel, Gabriel, Mariel, at Mica. —FRJ, GMA Integrated News